Huwad ang pangako ng rehimeng Marcos na magdadala ng industriyalisasyon sa Pilipinas ang US Pax Silica hub na itatayo sa Tarlac. Sa halip, lalo lamang nitong itatali ang Pilipinas sa di pantay at malakolonyal na kaayusang pangkalakalan na magsisilbi sa US at hindi sa bansa.

Habang ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos na tila naka-“jackpot” ang Pilipinas sa semiconductor at “artificial intelligence” sa panukalang 1,619-hektaryang Economic Security Zone (ESZ) sa New Clark City, nagbabala si IBON Executive Director Sonny Africa na isang ilusyon ng kaunlaran ang pagtanggap sa mga dayuhang kumpanya ng teknolohiya.

Binigyang-diin ni Africa na “ang Pax Silica ay maaaring magdala ng mas mataas na antas ng industriya ng teknolohiya sa Pilipinas nang hindi totoong nagdadala ng industriyalisasyon sa bansa, at magiging balakid pa nga sa tunay na industriyalisasyong Pilipino.” Nagbabala siya na ang simpleng pagtatayo ng mga pabrikang pagmamay-ari ng dayuhan ay nangangahulugang ang bansa ay “nagbibigay lamang ng address para sa industriyalisasyon ng iba.”

Hindi na bago ang ganitong padron ng “dayuhang pamumuhunan nang walang kaunlaran.” Bagamat lumago nang 12 beses ang foreign direct investment (FDI) sa pagmamanupaktura mula 1990 hanggang 2025, bumagsak ang bahagi ng pagmamanupaktura sa ekonomya ng Pilipinas sa 17.3% ng gross domestic product (GDP) noong 2025.

Ito na ang pinakamababang antas ng sektor mula noong 1949. Tinukoy ni Africa ang mga makasaysayang halimbawa tulad ng kumpanyang US na Intel, na namuhunan ng $1.5 bilyon sa loob ng 35 taon ngunit umalis noong 2009 nang walang naiwang lokal na industriya ng elektroniks. Kapareho rin ang kaso ng Texas Instruments, isa ring Amerikanong kumpanya, na 50 taon nang nag-ooperasyon sa bansa pero nananatiling nakatutok lamang sa mababang antas ng “assembly, testing, and packaging” o ATP.

“Habang ang FDI sa pagmamanupaktura sa Pilipinas ay lumawak nang 12 beses mula $1.6 bilyon noong 1990 tungong $18.7 bilyon noong 2025, ang ambag ng sektor sa lokal na ekonomya ay sabay na bumagsak sa halos 80-taong pinakamababang antas na 17.3 porsyento ng GDP,” ayon kay Africa.

Binatikos niya ang patuloy na pagbubukas ng rehimeng Marcos sa lokal na ekonomya sa dayuhang kapital sa pamamagitan ng pag-aalok ng libreng pag-arikila sa lupa, libreng VAT, at dekada-dektadang libreng buwis kahit wala itong idinudulot na pag-unlad.

“Pagkatapos ng kalahating siglo ng paggawa ng mga semiconductor sa Pilipinas, wala pa rin tayong totoong industriya ng semiconductor na pagmamay-ari ng Pilipino,” aniya. Ang mayroon lamang ang Pilipinas ay mga dayuhang kumpanya na may operasyon sa bansa.

“Halos walang pagmamay-ari ang mga Pilipino sa industriya, halos walang pag-unlad kahit sa mababang antas ng pag-asembol, pag-testing, at pagpapakete, at lalong walang pag-unlad tungo sa mga pangunahing teknolohiya nito,” aniya. “Ang pag-eeksport ng Pilipinas ng abanteng teknolohiya ay hindi nangangahulugang mga kumpanyang Pilipino ang gumagawa nito, kundi mga dayuhang kumpanyang nagmamanupaktura at nag-eeksport mula sa loob ng ating bansa.”

The post Pangakong industriyalisasyon ng US Pax Silica, panloloko appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.