Naghain ng resolusyon sa kongreso ang Makabayan Bloc sa pangunguna ni Sarah Elago, House Assistant Minority Leader at kinatawan ng Gabriela Women’s Party (GWP) noong Agosto 11 upang imbestigahan ang Mterra Solar Project at epekto nito sa mga mamamayan ng Nueva Ecija at Bulacan.
Inihain ni Elago, kasama sila Renee Co, kinatawan ng Kabataan Partylist at ni Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers partylist, ang House Resolution 1348 para himukin ang House Committees on Agriculture and Food and Energy na maglunsad ng imbestigasyon bilang tulong sa pagbalangkas ng batas hinggil sa kontrobersyal na solar project.
Ang $4 bilyong 3,500 megawatts Mterra Solar Project ay itinuturing na pinakamalaking integrated solar farm at battery storage facility sa mundo. Halos 40% ng solar farm ay pagmamay-ari ng General Atlantic, isang kumpanyang Amerikano. Nakuha nito ang pagmamay-aring ito sa pamamagitan ng Actis, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom na binili ng General Atlantic noong Enero 2024. Nilagdaan ang kasunduan para sa solar farm ng Terra Solar Philippines Inc. (TSPI) at Actis noong Setyembre 2024. Samantala, ang natitirang 60% ay pagmamay-ari ng SP New Energy Corp. (SPNEC), na kontrolado ng Meralco.
Saklaw ng proyekto ang 3,500 ektaryang lupain sa prubinsya ng Nueva Ecija at Bulacan. Hindi bababa sa 22,00 residente mula sa mga komunidad ng barangay Callos sa Peñaranda, Pias sa General Tinio, at Macabaklay, Puting Tubig, at Kapalangan sa bayan ng Gapan ang direkta at hindi direktang naaapektuhan ng proyekto. Sa mga sityo ng Minalungao, Sangilo, Cunakon, at Bayukbok sa Gapan lamang, tinatayang nasa 1,000 ektaryang produktibong lupang agrikultural ang kasalukuyang inaagaw, na nakaaapekto sa humigit-kumulang 300 pamilya ng magsasaka.
“Hindi namin kinokontra ang renewable energy. Ang kinokontra ng mamamayan ay ang development na isinasakripisyo ang mga magsasaka, produktibong lupang agrikultural, at ating seguridad sa pagkain,” paliwanag ni Elago.
Ani ni Elago, ang lawak ng MTerra ay nangangailangan ng masusing pagsusuri, laluna’t may iba pang malalaking proyektong pangkaunlaran na iminungkahi rin sa bansa ng US.
“Hindi maliit ang saklaw ng Mterra, higit doble ito sa 1,620 ektaryang saklaw ng Pax Silica. Ipinapakita nito kung gaano kalaking lupain at karaming komunidad ang maaaring maapektuhan ng malalaking proyektong itinutulak ng gobyerno. Kaya kailangang masusing siyasatin kung sino ang nakikinabang at sino ang nagsasakripisyo,” paliwanag ni Elago.
Malugod na tinanggap ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa paghahain ng isang resolusyon sa Kamara.
Ayon sa KMP, dapat suriin nang mabuti sa imbestigasyon ng Kongreso ang pagkuha at pagpapalit-gamit ng lupa para sa proyekto, ang pagsunod nito sa mga batas pangkalikasan at batas sa agraryo, ang iniulat na panggigipit sa mga apektadong magsasaka, at ang pananagutan ng pamahalaan sa pagpapahintulot na gawing imprastraktura ng enerhiya ang mga produktibong lupang agrikultural.
Noong Hunyo 23, idineploy ang mga tauhan ng PNP sa Sitio Sangilo, na ayon sa mga magsasaka ay naglalayong takutin ang mga residenteng tumututol sa proyekto. Noong Abril 22, 2026, iniulat na gumamit ang mga tauhan ng MTerra ng mabibigat na makinarya upang sirain ang mga pananim na nasa 30 ektaryang lupang agrikultural nang walang pahintulot ng mga magsasaka, na nagdulot ng pagkalugi sa mga apektadong pamilyang nagsasaka.
“Hindi dapat maging katwiran ang renewable energy para sa pangangamkam ng lupa at pagsira sa kabuhayan ng mga magsasaka. Dapat itaguyod ng gubyerno ang karapatan ng mga magsasaka at pangalagaan ang mga lupang agrikultural, sa halip na isakripisyo ang mga lugar na pinagkukunan ng pagkain ng bansa para sa malalaking proyektong pang-enerhiya,” paliwanag ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.
“Hindi dapat gawing energy estate para sa mga korporasyon ang kamalig ng bigas ng Pilipinas habang itinutulak palabas sa kanilang mga lupain ang mga magsasaka. Sa panahong nananatiling umaasa ang bansa sa imported na bigas at patuloy na nahaharap sa krisis sa pagkain, malaking banta sa ating seguridad sa pagkain ang pagpapalit-gamit sa mga produktibong lupang sakahan,” dagdag ni Manalo.
The post Mterra Solar Project, pinaiimbestigahan ng mga makabayang kongresista appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

