Mariing kinundena ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMMATA) ang tangkang paggiba ng mga tauhan ng Jarton Security Agency sa isang furniture shop, noong Agosto 10 ng umaga sa Barangay Tartaria, Silang, Cavite.
Habang abala ang mga magsasaka at residente sa pag-aayos dahil sa malakas na ulan dulot ng habagat at kakatapos lamang na bagyo, biglang dumating ang mga tauhan ng security agency na may dala-dalang gamit pandemolis. Binabaklas na ng mga tauhan ang furniture shop ng isa sa mga kasapi ng SAMMATA, nang rumesponde ang iba pang myembro at kinumpronta ang mga tauhan.
Ayon sa SAMMATA, walang ipinakitang ligal na dokumento ang mga tauhan ng security agency. Malinaw na sinamantala ng Ayala-Aguinaldo sa pagkakataong abala ang mga mamamayan ng Tartaria upang maghasik ng ligalig sa komunidad.
“Isang napakalaking kawalan ng hustisya at hindi makatao ang ginagawang ito (ng Aguinaldo-Ayala) —ang mangwasak at manggipit sa gitna ng matinding sama ng panahon kung kailan mas kailangan ng mamamayan ang proteksyon at kanlungan,” paliwanag ng SAMMATA.
Dagdag dito, hindi din kasama ang naturang furniture shop sa planong gibain noong kinasuhan ang mga magsasaka ng “recovery of posession with damages” ng mga Ayala-Aguinaldo, na kalaunan ay ipinanalo ng mga magsasaka.
Mahigit anim na dekada nang pilit inaagaw ng pamilyang Aguilando, kasabwat ang Ayala Inc, ang nasa 200 ektaryang lupaing Tartaria. Gamit ang notoryus na Jarton Security Agency, naghasik ng takot, nanggipit at nanakit ang mga mang-aagaw ng lupa upang maapalayas ang mga magsasaka.
The post Panibagong tangkang demolisyon sa Tartaria, napigilan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

