Kinundena ng katutubong Tagbanua ang pagtatayo ng bakod ng isang pribadong kumpanya sa bahagi ng Sityo Lakdayan, Barangay Cheey, Busuanga, Palawan noong Agosto 6.

Ayon sa mga residente, humigit kumulang 80 katao ang nagtungo sa lugar upang magtayo ng bakod sa may bahagi ng aplaya na nagsisilbing daungan ng kanilang mga bangka. Bagama’t may ipinakitang fencing permit mula sa munisipyo ang mga nagsagawa ng pagbabakod, wala itong koordinasyon sa Barangay. Anila, hindi pwedeng tayuan ng bakod ang kanilang komunidad dahil sakop ito ng kanilang lupaing ninuno.

Mga manggagawa mula sa ibang lugar ang kinuha ng kumpanya upang itayo ang pagbabakod. Pagkatapos ng pagbabakod, sama-samang inalis ng mga katutubo ang mga itinayong bakod.

Sa kasulukuyan, may humigit-kumulang 70 pamilya ang naninirahan ngayon sa Sityo Lakdayan. Nakaasa sila sa pangingisda para sa kanilang kabuhayan. Malaki ang pinsala sa kanilang kabuhayan at komunidad kung mawawala ang kanilang akses sa dalampasigan at karagatan dahil sa mga planong development sa lugar.

Nananawagan ang katutubong Tagbanua sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP),na agad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyaking maprotektahan ang kanilang mga karapatan. Humingi rin sila ng tulong para maresolba ang isyu at mabigyan sila ng linaw kaugnay sa kanilang lupang ninuno.

The post Pagtatayo ng bakod sa komunidad ng katutubong Tagbanua, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.