Humarap ang mga upisyal ng Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na samahan ng mangingisda at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) noong Agosto 7 para sa isang dayalogo sa upisina ng ahensya sa Quezon City. Inilunsad ang dayalogo kaugnay ng panawagan ng mga mangingisda sa subsidyo sa produksyon sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad at krisis sa ekonomya.
Kabilang sa mga pinoproblema ng mga mangingisda ang pagtigil sa pagpalaot dahil sa malalakas na hampas ng alon dulot ng Habagat mula pa Hunyo. Inihapag rin nila ang lubhang naantalang subsidyo sa langis ng gubyerno para sa maliliit na mangingista sa gitna ng pagsirit ng presyo ng langis mula pa Marso na bunsod ng gerang agresyon ng US sa Iran.
“Sinadya pa namin ang pambansang tanggapan ng DA para personal na idulog kay Secretary Laurel ang suliraning kinakaharap ng maliliit na mangingisda ng Zambales,” may pagkadismayang pahayag ni Roselyn Regalado, presidente ng Samahan ng Cabangaan 3 Fishermen’s Unity na nakabase sa Subic. Aniya, batid nilang may nakalaang pondo ang ahensya para sa kalamidad subalit hanggang ngayon ay hindi ito nararamdaman.
Maliban dito, inihapag din ng grupo ang panghihimasok ng komersyal na sasakyang pangisda, sa partikular ang purse seine o pangulong sa Subic, Zambales. Dahil umano sa mga ito, dumanas ng malaking pagkalugi maliliit na mangingisda sa barat na presyong farmgate ng isda.
Ang pagsadsad ng presyo ay epekto ng pagbuhos ng malaking bolyum ng produkto ng mga pangulong sa kanilang merkado. Sa ulat ng mga mangingisda, bumagsak nang 65% tungong ₱70/kilo ang presyong farmgate ng gulyasan (skipjack tuna) mula sa dating ₱200/kilo. Samantala, ang presyo ng bonito ay bumagsak tungong ₱50/kilo mula sa dating ₱170/kilo.
“Dapat tingnan ng DA ang talamak na presensya ng mga dayong commercial fishing vessel sa Subic na nagiging dahilan ng higit na pagbagsak ng presyo ng produkto ng mga lokal na mangingisda. Dagdag pa ang sistematikong pambabarat ng mga trader sa fish port. Kaya talagang lugi ang mga mangingisda dahil sa ganitong umiiral na kalakaran sa bagsakan ng isda,” ayon kay Regalado.
Nanawagan ang Pamalakaya sa DA at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magpatupad ng patakaran ng direktang pagbili nito ng mga produktong agri-fishery mula sa lokal na mga prodyuser sa makatarungang presyo. Itinutulak rin ng grupo ang pagtangal sa susun-susong middleman o trader na nagmamanipula sa presyong farmgate at presyo sa palengke.
The post Dayalogo ng mga mangingisda sa DA para sa subsidyo, naigiit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

