Nananawagan para sa agarang tulong ang Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation) – Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Ilocos sa lokal na pamahalaan kaugnay sa malawakang pinsala na natamo ng kanilang mga pananim sa harap krisis at sunud-sunod na kalamidad.

Sa partikular, hiling ng grupo ang libreng binhi, abono at iba pang kagamitang pangsakahan, pagpapalit ng mga nasirang bangka at kagamitang pangisda, sapat na kabayaran sa pinsala sa kabuhayan at pananim, rehabilitasyon ng mga irigasyon at imprastrukturang pang-agrikultura, at pagsuspinde sa paniningil ng mga utang at amortisasyon sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad. Nanawagan rin sila na kagyat na mamahagi ang gubyerno ng tulong pagkain at salapi (emergency cash assistance).

Isaalang-alang ng mga lokal na pamahalaan ang paggamit ng pondo mula sa Republic Act No. 7171 at Republic Act No. 8240, anila. Ang batas na ito ang nagtatakda ng pagkulekta ng excise tax sa produktong tabako na pinoprodyus ng mga magsasaka. Bawat taon, bilyun-bilyon ang kinikita ng rehiyon ng Ilocos mula sa nalilikom na excise tax mula sa mga magsasaka ng tabako sa rehiyon.

Sa tala ng Department of Agriculture regional office noong Agosto 6, nasa 177 ektarya ng lupaing agrikultural at 1,694 na magsasaka ang naapektuhan ng malalakas na ulan na dala ng bagyong Kiyapo. Umabot sa 128.49 metriko toneladang tanim ang nasira at nasa P23.07 milyon ang halaga ng nasirang palayan at irigasyon.

Sa tala naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa Region 1 noong Agosto 8, nasa 380 barangay ang naapektuhan, kabilang ang nasa 39,411 na pamilya o kabuuang 134,586 na indibidwal.

Bago pa man dumating ang mga bagyo, lubog na ang mga magsasaka at mangingisda sa tumataas na gastos sa produksyon, bagsak na presyo ng ani, lumalaking pagkakautang, at mababang kita dulot ng walang-habas na pagtaas ng presyo ng langis mula pa noong Marso at matinding epekto ng Super El Niño. Lalo pang lumalala ang pinsala sa mga pananim, palaisdaan, kagamitang pangisda, irigasyon, at iba pang imprastruktura at nagbabadya ng panibagong banta sa suplay ng pagkain ang kanilang kalagayan.

Ayon sa grupo, ang pagbaha at mga pagkalugi na nararanasan ng mga magsasaka ay bunga ng mga iregularidad at maling paggamit ng pampublikong pondo na sana ay inilaan sa pagsuporta sa produksiyong agrikultural at iba pang batayang sektor. Bunga rin ito ng matagal nang pagpapabaya sa agrikultura sa ilalim ng mga patakarang neoliberal na nagbukas sa malawakang importasyon, nagkait ng sapat na suporta sa lokal na produksyon, at nagpasan ng lahat ng panganib sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa huli, patuloy ang panawagan ng STOP Exploitation sa pagsulong ng mga batayang reporma tulad ng pamamahagi ng lupa, sapat na suporta ng estado sa lokal na produksyon, at pambansang industriyalisasyon.

“Hangga’t nananatiling nakasandig ang agrikultura ng bansa sa interes ng imperyalismo at pyudal na pagsasamantala, magpapatuloy ang paulit-ulit na paghihirap ng mga magsasaka at mangingisda sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tagtuyot at bagyo,” paliwanag ng grupo.

The post Mga magsasaka ng Ilocos, nananawagan ng tulong at kumpensasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.