Nagtipon ang mga rebolusyonaryong artista at manunulat sa isang syudad sa Cebu noong Hulyo 21 para itatag ang kanilang balangay ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas). Ang Armas ay isa sa mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na isang nagkakaisang prente para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Ayon sa tagapagsalita ng Armas-Cebu na si Benito Tagik, masiglang nagkaisa ang mga myembro ng balangay para buuin ang komprehensibong programa nito para sa darating na mga buwan. Aniya, iniayon ang kanilang plano sa pangkabuuang layunin at programa ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Central Visayas.
“Napagkaisahan ng balangay na pag-aralan, tanganan, at isapraktika ang mga wastong paraan ng pagkilos bilang mga rebolusyonaryong aktbista,” pagbabahagi ni Tagik. Dagdag niya, pamamaraan rin ang mga ito para basagin at baguhin ang burgis-liberal na ideya ng “sining para sa ngalan ng sining (art for art’s sake)” tungo sa sining na tunay na pag-aari at para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Tinukoy ng Armas-Cebu bilang susing plano nito ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga magsasaka, manggagawa at malaproletaryo sa rehiyon. Idiniin nito sa mga myembro ang kahalagahan ng pag-integreyt sa produksyon at pakikibaka ng batayan masa bilang sukatan ng epektibong rebolusyonaryong arte at literatura.
“Puno ng pag-asa ang bagong balangay, sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap kasama ang masa at sa giya ng Partido Komunista ng Pilipinas, na higit pang dumami ang mga manggagawang pangkultura mula sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa at petiburgesya sa urban na mag-aambag sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba,” ayon kay Tagik.
Naniniwala ang balangay na mataba ang lupa para sa mga artista at manunulat na ibayong palakasin ang kanilang rebolusyonaryong kilusan sa Cebu at maging sa buong bansa. Sa nagdaang mga buwan, naiulat ang paglulunsad ng asembliya ng Armas-Balangay Felix Salditos, at Armas-Balangay Jethro Isaac Ferrer sa Southern Tagalog.
The post Balangay ng Armas sa Cebu, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

