Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang ginanap na pagpupulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) noong Agosto 7 sa Camp Aguinaldo, Quezon City. Pinirmahan dito ang “8-star memo” na naglalaman ng serye ng mga aktibidad at opensibong mga aksyon na isasagawa ng US sa Pilipinas sa 2027.
Kasabay nito, muli nilang “pinagtibay” ang 75-taong Mutual Defense Treaty. Ang taunang pulong ng SEB ay isinasagawa sa bisa ng MDT. Tulad sa nakaraang mga taon, sikreto ang kalakhan ng mga detalye ng pagpupulong, at iniaanunsyo lamang ito isang araw matapos maganap ang pulong. Pinirmahan ang “8-star memo” nina Adm. Samuel J. Paparo, kumander ng US Pacific Command, at Gen. Antonio G. Nafarrete, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP)
Alinsunod sa anunsyo, muling aabot sa 500 malaki at maliit na operasyong militar, sa tabing ng mga pagsasanay at pagbabahaginan, ang ilulunsad ng US sa loob ng bansa. Tulad sa nakaraang mga taon, ang 8-star memo ay magsisilbi lamang na dahilan para sa isa na namang buong-taong pamamalagi ng mga tropang Amerikano, kasama ang iba pang dayuhang pwersa, sa kalupaan at karagatan ng Pilipinas.
“Sa likod ng mga hungkag na salita ng “pamamahala sa krisis” at “kooperasyon,” ang MDB-SEB ay walang iba kundi mekanismo ng panghihimasok na tuluy-tuloy na yumuyurak sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas,” ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP.
Binatikos din niya ang kunwa’y “pagpapatibay” sa MDT. Tinawag niya itong “pinakamahabang lubid ng neokolonyal na kontrol ng US na pumupulupot at sumasakal sa mga Pilipino” at “ginagamit para kaladkarin ang Pilipinas sa mga sigalot at gera ng US.”
“Walang mutwal o bigayan sa MDT,” ayon sa editoryal ng Ang Bayan noong Agosto 7. “Nagbibigay-daan lamang ito sa pananatili ng presensyang militar ng US sa Pilipinas, pagpapahigpit ng kontrol nito sa AFP para magsilbi sa imperyalistang interes at estratehiya ng US.”
“Higit kailanman sa nagdaang 75 taon, dapat magkaisa ang sambayanang Pilipino para ipaglaban ang pagbabasura sa MDT, ang mekanismo nitong MDB-SEB, laluna sa harap ng lumalaking banta na sumiklab at makaladkad ang Pilipinas sa imperyalistang gera na inuudyok ng US laban sa China,” saad ng Ang Bayan. “Kaligtasan ng bansa ang nakasalalay dito.”
Nanawagan ang PKP sa buong mamamayan na “dapat magkaisa at tuluy-tuloy na palakasin ang panawagan at paglaban ng sambayanang Pilipino para ibasura ang MDT, VFA, EDCA at lahat ng mga tagibang na kasunduang militar, lansagin ang lahat ng base militar at pasilidad ng US, ipatanggal ang lahat ng nakaimbak na sandata ng US, at palayasin ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas.”
The post MDB-SEB, MDT, lubid ng neokolonyal na kontrol na sumasakal sa Pilipinas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

