Dapat batikusin ng sambayanang Pilipino ang isinagawang pulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) noong Agosto 7 sa Camp Aguinaldo, Quezon City. Pinagtibay ng pulong na ito sa pagitan ng US military at ng AFP at DND ang hindi pantay na relasyong militar sa pagitan ng imperyalistang superpower at kanyang sunud-sunurang tau-tauhan. Binigyang-daan lamang nito ang plano ng US na lalo pang paramihin ang mga pwersang militar nito sa Pilipinas, sa tabing ng mga pag-eensayo at war games, para pahigpitin ang kontrol sa Pilipinas.
Sa likod ng mga hungkag na salita ng “pamamahala sa krisis” at “kooperasyon,” ang MDB-SEB ay walang iba kundi mekanismo ng panghihimasok na tuluy-tuloy na yumuyurak sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas. Isinasagawa ito sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT), ang pinakamahabang lubid ng neokolonyal na kontrol ng US na pumupulupot at sumasakal sa mga Pilipino at ginagamit para kaladkarin ang Pilipinas sa mga sigalot at gera ng US.
Hindi kagulat-gulat na “pinagtibay” ng MDB-SEB ang MDT, lalo’t ito ang nagbibigay sa kanila ng malalaking kontrata sa pagbili ng armas. Pinaglalawayan ni Marcos at kanyang mga heneral ang mga kontratang ito na bilyun-bilyong piso ang halaga. Masayang-masaya ang mga Kano sa MDT na ngayo’y gamit niya sa pang-uupat ng gera sa karibal niyang China.
Sa okasyon ng ika-75 taon ng MDT sa Agosto 30, dapat tumindig ang buong bayan at isigaw: Ibasura ang MDT, VFA, EDCA at lahat ng hindi pantay na kasunduang militar! Ipaglaban ang tunay na pambansang kalayaan!
The post Batikusin ang pulong ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

