Nagprotesta sa harap ng upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City noong Agosto 5 ang daan-daang myembro ng grupong Kapatiran sa Dalawang Gulong (KAGULONG) upang kundenahin ang minadaling implementasyon ng MC2026-048 sa naturang araw. Nagpahayag ng pakikiisa ang Defend Jobs Philippines sa panawagan ng mga motorcycle taxi riders.
Sa ilalim ng MC 2026-048 o Interim Implementing Guidelines on the Operation of Motorcycle Taxi, ipinagbabawal na ang multi-homing o ang pagrehistro ng isang rider sa higit sa isang Motorcycle Taxi Platform Provider (MTPP). Dagdag dito, nilimitahan ang bilang ng mga MC taxi riders sa kalsada kada ride-hailing provider. Saklaw din ng memorandum ang mga provisional operating rules, vehicle specifications, at safety parameters.
Sa kasalukuyan, mayroong pitong rehistradong MC taxi platform providers. Sa Metro Manila, mayroong 45,000 MC taxi riders na pinapayagang makabyahe sa tatlong platform providers.
Tinututulan ng KAGULONG ang pagpapataw ng regulasyon nang walang tunay na konsultasyon, walang sapat na paglilinaw sa mga isyung direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga riders, at walang katiyakan na mapapangalagaan ang kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa.
Noong Hulyo 16, nakipagdayalogo ang grupo sa LTFRB ngunit wala silang nakuhang garantiya na aaksyunan ng ahensya ang mga puna at mungkahi hinggil sa MC-2026-048. Wala ring naganap na konsultasyon at paglilinaw sa pagitan ng mga riders at MC Taxi Platform Providers (MTPP) hinggil sa makatarungang hatian sa pagpasan ng mga PWD, Senior Citizens at Student Discounts. Walang pinal na kwenta magkano ang magagastos ng rider sa pagkuha ng Provisional Authority to Operate (PAO).
Ang sa grupo, ang “rider cap” o paglimita ng bilang ng mga rider ay maaaring magresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng libu-libong riders. Ang pagbabawal naman sa multi-homing o pagpasok sa higit sa isang platform na magpapaliit sa kanilang pagkakataong sapat na kumita. Ang sinaklaw na mga regulasyon ay maaaring gamitin upang higpitan ang kanilang karapatan sa sama-samang pagkilos at mapayapang pagpapahayag ng kanilang mga hinaing at iba pa.
Nanawagan ang Defend Jobs Philippines sa LTFRB na isuspendi ang implementasyon ng MC 2026-048 hanggang hindi maresolba ang mga pangunahing isyu sa pamamagitan ng seryoso, tapat at makabuluhang dayalogo kasama ang mga kinatawan ng motorcycle taxi riders at iba pang platform workers.
Ayon sa grupo, dapat ding simulan ng gubyerno ang mga hakbang tungo sa ratipikasyon at pagpapatupad ng ILO Convention No. 193, on Decent Work in the Platform Economy, upang matiyak pagkilala sa karapatan at dignidad ng mga manggagawa.
“Ang laban ng mga motorcycle taxi riders ay laban din ng buong uring manggagawa. Hindi dapat gamitin ang regulasyon upang bawasan ang kita, limitahan ang hanapbuhay o patahimikin ang mga naghahanap ng makatarungang pagtrato,” paliwanag ng Defend Jobs Philippines.
The post Karapatan ng mga motorcycle taxi riders, iginiit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

