Pinapaabot ng PKM-Abra ang pinakamataas na pagpupugay sa apat na mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na sila Ka Andrei, Ka Ken, Ka Abdul, at Ka Duma! Sila ay mga nagmartir sa mga serye ng labanan na naganap sa probinsya nitong nakaraang Hulyo hanggang Agosto. Sila ay determinadong naglingkod sa sambayanan, at labis na minamahal ng masang anakpawis ng Abra. Ang kanilang dakilang buhay ay magsisilbing inspirasyon sa masang magbubukid ng Abra upang higit na magpakatatag at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.
Ang militarisasyon sa probinsya ay bunsod ng kapitalistang interes sa likas-yaman ng malawak na lupain ng Abra, at para pahupain ang ano mang paglaban ng masang magsasaka. Itinuloy na ibinukas ng rehimeng US-Marcos Jr ang ating mga rekurso sa dayuhang pandarambong. Nakaamba ang operasyon ng pagmimina ang Yaman Mineral Corporation at iba pang korporasyon sa daan-daang ektaryang lupain sa Abra. Nagsasabwatan ang mga panginoong maylupa, negosyante, at burukrata kapitalista para sa pagpapababa ng presyo ng mga agrikultural na produkto ng palay at maging ang tabako, habang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Ang AFP at PNP ay mga mersenaryong nagbabalat kayo na para di umano sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Abra. Ngunit malinaw sino ang kanilang pinagsisilbihan, at hindi ito ang masang anakpawis. Mahaba na ang rekord nila sa paglabag sa karapatang pantao sa probinsya. Di malilimot ng masa ang ginawa nilang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan, masaker, pambobomba, pangaabuso sa mga kababaihan at bata, at iba pang paglabag sa karapatang pangtao.
Ang pagtatayo ng 2,000 ektarya military complex ay ibayong paigtingin ang presensya militar sa Abra. Ito di umano ay magiging himpilan ng mga dayuhang sundalo. Tinututulan din ito ng mamamayan dahil daan-daang magsasaka at katutubo ang mapapaalis at mawawalan ng kabuhayan. Dagdag pa, ang banta nito sa seguridad at malinaw na pagtapak sa soberanya ng Pilipinas. Para sa masang magbubukid ang militarisasyon ay nangangahulugan ng pagkagambala ng kabuhayan at araw-araw na trabaho.
Inutil ang lokal na pamahalaan sa pagpayag sa mga naglalakihang military operations sa kabila ng epekto nito sa buhay at ekonomiya ng kaniyang mamamayan. Pinatitindi nila ang culture of impunity sa pamamagitan ng pagpapanatili ng warlordismo. Ang masang Abrenyo tulad ng mamamayang Pilipino ay nasa krisis, kagutuman at kahirapan ano mang pagtatabing ang gawin ng mga lokal na naghaharing uri. At ang itinutugon ng estado rito ay pasismo.
Ang kasalukuyang nangyayari sa probinsya ng Abra ay patunay na digmang bayan ang tunay na solusyon sa krisis at kahirapan ng masang magbubukid!
Mayaman ang karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagabante ng pangangailangan at kagalingan ng masang magsasaka. Katuwang ang BHB, marami na ang mga tagumpay sa agraryong rebolusyon na pinakinabangan ng masa sa mga sona at larangang gerilya. Ilang halimbawa lamang sa mga ito ay ang pagpapatayo ng mga kooperatiba at samahan na nagtulong tulong para sa kolektibong produksyon at trabaho na nagbunsod ng pagpaparami ng pagkain. Nagkaroon din ng mga pagpapaunlad ng kasanayan, teknolohiya at kagamitan sa pagsasaka upang mapagaan ang trabaho sa bukid. Nilabanan at nadepensahan ang mga tangkang pang aagaw sa lupaing ninuno at mga likas-yaman nito. Ang pinaka tampok na karanasan ay ang pagpapalayas sa Cellophil Resources Corporation noong 1970s.
Inabot na rin ng Abra ang isang antas ng rebolusyonaryong paggogobyerno sa nagdaang mga dekada. Malaki ang itinulong nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa mga baryo, pagtitiyak ng seguridad at hustisya, at komprehensibong pagpapataas ng antas ng kakayahan ng mamamayan maging sa aspeto ng programang pangkalusugan at serbisyong medikal.
Sa rebolusyonaryong kasaysayan ng probinsya, marami ng anak ng Abra ang sumampa at naging magigiting na mga pulang mandirigma, kadre at komander. Marami na rin ang nagmartir. Hindi tayo masasayangan sa buhay na kanilang inialay dahil ito ay bahagi ng ating dakilang layunin na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Ang paghihimok ng 5th ID sa mga kasamang Hukbo na sumuko at “piliin ang kapayapaan” ay isang kabalintunaan. Walang kapayapaan kung walang hustisya. At walang hustisya kung nananatiling naka konsentra sa iilan ang yaman at rekurso ng bayan habang ang kalakhan ay nagugutom at naghihirap.
Inaatasan ng pamprobinsyang balangay ng PKM-Abra ang lahat ng mga tsapter nito sa antas munisipyo at baryo na higit na magpalawak, magkonsolida at mapagpasyang humakbang pasulong. Pamunuan ang mga pakikibakang anti-pyudal at anti-pasista ng masa. Tumulong sa pagpapalakas ng ating Hukbo sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na suporta sa kanila. At higit sa lahat ay magpasampa ng madami na muling tatangan sa mga nabitawang armas ng mga martir ng sambayanan.
The post Pagpupugay sa mga martir ng samabayang Pilipino! Higit na magpakatatag at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

