Pinakamataas na pagpupugay ang inaalay ng Kabataan Makabayan DATAKO kina Ka Andrei, Ka Chico/Abdul, Ka Beast/Basi, at Ka Ken/Aki. Sila ang mga pulang mandirigma na magiting na nakipaglaban sa pasistang rehimeng Marcos upang ipagtanggol at isulong ang demokratikong mga layunin ng mga api at pinagsasamantalahang mamamayan ng Abra at ng buong mamamayan ng Kordilyera para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Sina Ka Andrei, Ka Chico/Abdul, Ka Beast/Basi, at Ka Ken/Aki ang namatay, batay sa salaysay ng militar, sa serye ng armadong engkwentro sa pinagsanib na pwersa ng 50th Infranty Defender Battalion at 98th Masinag Batallion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula ika-19 at ika-20 ng Hulyo sa Tineg at ika-4 ng Agosto sa Licuan Baay, Abra.

Ang Kabataang Makabayan DATAKO ay nakikiramay sa pagdadalamhati ng mga pamilya ng 4 martir at bayani, sa lahat ng mga mandirigma ng NPA, at sa mga kaibigan at taga-suporta sa simulain ng pambansang demokratikong rebolusyon. Mas mabigat pa sa kabundukan ng Kordilyera ang ating nadaramang kalungkutan sa pagkamatay ng 4 na martir ngunit higit na mas mabigat at nangingibabaw ang ating galit sa pasistang rehimeng-Marcos Jr at sa kanyang uhaw-sa-dugo na berdugong militar.

Mariin nating kinokondena ang 50th Infranty Defender Battalon at 98th Masinag Batallion ng AFP sa marahas pagpaslang sa 4 na pulang mandirigma. Malinaw ang paglabag nila sa International Humanitarian Law (IHL) sa paggamit ng excessive force laban sa sinasabi mismo nilang sasampung kataong myembro na lamang ng NPA. Malinaw din na paglabag ang pagharang sa retrieval ng bangkay ng mga martir mula sa kanilang pamilya. Mahigit isang araw na inipit ang mga labi nang nakabalot lamang sa bag at nakatali sa kahoy, tanda ng hindi pagrespeto at pambabastos ng AFP sa namatay at sa pamilyang namatayan. Talagang walang aasahan sa hungkag na AFP na patuloy na niloloko ang kanilang mga sarili sa pagdiriwang ng anibersaryo ng IHL nitong nakaraan lamang gayong sila ang numero unong tagapaglabag ng batas na ito sa nagdaang mga taon. Walang aasahan sa pekeng hukbo ng mamamayan na ang tanging pinoprotektahan lamang ay ang interes ng naghaharing uri, ng rehimen ni Marcos Jr at ng imperyalistang US.

Nagluluksa ang mamamayan ng Kordilyera sa pagkasawi ng apat na pulang mandirigmang pinagkaisa ng prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan at sa simulain ng pambansa demokratikong reboluson sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Pinanindigan nila ang prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan hanggang sa kanilang huling hininga. Lagi nating sariwain sa ating isipan at bigyang buhay sa ating araw-araw na praktika ang mga prinsipyong kanilang pinag-alayan ng buhay.


Mula sa tribu ng Mabaca, si Ka Andrei o Moises Balgabag, 34, ay tubong Mataragan, Malibcong, Abra. Bago mag-alay ng buhay noong ika-19 ng Hulyo sa Tineg, buong puso siyang sumampa at nagsilbi sa Bagong Hukbong Bayan dahil sa nakitang kahirapan mismo sa probinsyang kinamulatan. Sa buong panahon bilang pulang mandirigma, siya ay nagpakita ng kahusayan sa gawaing produksyon. Kalakasan niya ang pagtulong sa pagtatanim, pangangalap at pangingisda, at maging ang pagluluto. Siya ay kilala bilang katauhan ng optimismo, masiyahin at alisto.

Si Ka Andrei ay naging mahusay na kadreng pangmilitar at nagsilbi bilang team leader at squad leader ng isang yunit. Malaki ang naitulong ng kabihasaan niya sa terrain sa pakikidigma. Mahigpit din ang pagpapatupad ni Ka Andrei sa disiplina ng organisasyon. Sa mga libreng oras sa komunidad ang hilig ni Ka Andre ay maghabi at magukit. Magaling din siyang kumanta at magdrawing.

Ang buhay ni Ka Chico/Adbul naman ay naging larawan ng katatagan at katapatan sa rebolusyon. Malalim siyang nakaugat sa masang pinagsisilbihan niya sa Abra, kilala siya sa lugar ng parehong mga bata at matatanda. Siya ay mahusay din na kulturati. Magaling maggitara, kumanta, at umarte. Handang handa na laging magtanghal sa mga masa at mga kasama. Mahilig siyang kumanta ng mga rebolusyonaryong awitin liban sa mga kanta ng Beatles na paborita din niya. Isang pamamaraan niya ito upang mapalapit sa masa’t mga kasama.

Si Ka Chico/Abdul ay namuhay ng simple, masiyahin, mapagbiro at magiliw sa mga kasama. Hindi siya namimili ng gawain, maliit man o malaki ay kinakaya niya ang mga atas sa kanya. Hindi nagpatinag si Ka Chico/Abdul sa lahat ng kahirapan at sakripisyo sa buong panahon ng kanyang pagkilos. Bagkus, ang mga pagsubok na ito ang nagpanday sa kanyang bakal na paninindigang paglingkuran ang sambayanan, buhay man ay ialay kung kinakailangan. Nagpakita siya ng walang hanggang pag-unawa ng mga responsibilidad, kasipagan, kasanayan sa gawain at pagiging matatag sa harap ng mga kahirapan at sakripisyo.

Mula naman sa uring magsasaka si Ka Beast/Basi/Duma/Balag naman o Jhonie Escobilla, 48. Dahil sa hirap ng buhay ay nagtrabaho siya bilang manggagawa sa Maynila sa maikling panahon, kalaunan ay bumalik din sa probinsya at nagdesisyon na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Inialay niya ang kanyang buhay sa rebolusyon hanggang sa huling hininga.

Sa mahabang panahon sa kilusan, naidestino si Ka Beast sa iba’t ibang lugar na hindi pamilyar, iba ang lenggwahe at kultura. Gayunpaman, walang pag-iimbot na tinatanganan ni Ka Beast ang kanyang mga tungkulin at ipinamalas ang mataas na komunistang diwa na pagpapanguna sa interes ng kabuuan at mabilis at mahusay na pagaaral ng mga ito. Kahit nahihirapan ay nagsumikap syang aralin ang lokal na lengwahe at angkupan ang kabuuang kalagayan. Siya ay mahusay sa gawaing propaganda, ika pa nga niya ay kahit ano ay pwede mong talakayin sa masa, wag lang ang maling linya. Sa huli’t huli, laging pinapahalagahan ang pagkaisahin ang mga kasama at ang masa.


Si Ka Ken/Aki o Eugene Hilaus, 26, ay mula sa sektor ng kabataan at sa mababang saray ng petiburgesya. Naging mahusay na organisador ng kabataan siya noong kolehiyo hanggang sa napagdesisyunan niyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan noong 2018. Ayon sa mga masa at kasama, hindi mahirap pakitunguhan si Ken/Aki. Gaya ni Ka Beast, hindi naging sagka ang lenggwahe sa kanya, bagkus ay seryoso niya itong inaral bilang bahagi ng kaniyang seryoso din na kagustuhan na makapagsilbi sa mamamayan ng kordilyera. Bagaman may pagaalinlangan ay buong tapang siyang nagpakahusay sa gawaing militar gayundin sa pagpapatupad ng gawain bilang staff ng kabuhayan. Naging malaki ang papel niya sa gawaing kultural, masigasig syang nagpapartisipa sa pagbibigay ng mga Cultural Training sa hanay ng mga kabataang kaigorotan.

Alalahanin at angkinin natin ang kanilang mga katangian ng walang takot sa mga kahirapan at sakripisyo, katapangan sa pagharap sa kamatayan, walang hanggang optimismo, ubos-lakas na paglilingkod sa masa, at katapatan sa rebolusyon. Sa ganitong paraan mabibigyan natin ng paunang hakbang sa paggawad ng hustisya ang pagkamatay ng 4 na martir at bayani at sa mga libong nauna pa.

Ang naganap na labanan sa Abra ay nagpapakita na nagpapatuloy at di kailanman nawala ang rebolusyonaryong kilusan sa Kordilyera. Hangga’t malakolonyal at malapyudal ang lipunan, may pang-aapi at pagsasamantala, ay mataba ang lupa para sa pagsusulong ng digmang bayan. Nananaginip ng gising at nagpapakita ng kamangmangan sa kasaysayan at sa katangian ng rebolusyonaryong organisasyon ang pahayag ng pamunuan ng berdugo at pasistang militar na ang pagkamatay ng apat na magigiting na pulang mandirigma ay marka na ng papalapit na katapusan ng rebolusyonaryong kilusan ng Kordilyera. Ito ay hungkag kagaya ng marami nilang deklarasyon na malaya na sa insurhensya ang kabundukan ng Kordilyera. Pinatunayan ng kasaysayan sa kahit saang sulok ng mundo, na ang rebolusyonaryong pakikibaka ay tiyak na uusbong at susulong hanggat may pagsasamantala at pangaapi sa malawak na mamamayan. Pinatunayan din ng kasaysayan na sa bawat indibidwal na nalalagas sa larangan ng digma, tiyak din na mas marami pa ang papalit. Ang mamamayan ay hindi mauubusan ng dahilan upang sundan ang bakas na naiwan ng ating mga martir.

Nakatitiyak tayo na malalampasan ng rebolusyonaryong pwersa ng Kordilyera ang anumang mga pinsala at pagatras na nararanasan nito ngayon at nang mga nakaraang taon. Mabibigo ang ilusyon ng mga pwersa ng militar na wakasan ang armadong pakikiba sa Kordilyera at maging sa buong Pilipinas.

Ipinapanawagan ng Kabataang Makabayan DATAKO ang lahat ng may pisikal at mental na kakayahan lalo na mula sa sektor ng kabataan-estudyante na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Ngayon ang panahon na may katangi-tanging kabuluhan sa pag-ambag ng inyong kakayahan para sa pagpapasulong ng armadong pakikibaka bilang pangunahin at mapagpasyang porma ng rebolusyonaryong pakikibaka sa pagseguro ng tagumpay ng pambansang demokratikong rebolusyon at sosyalismo.

Patuloy nating pagalabin ang apoy ng armadong rebolusyon hanggang sa lubos na tagumpay!

Isabuhay ang Rebolusyaryong Diwa ng Magigiting na Martir ng Tineg at Licuan Baay, Abra!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

The post Isabuhay ang Rebolusyaryong Diwa ng Magigiting na Martir ng Tineg at Licuan Baay, Abra! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.