Ang probinsya ng Abra ay nililigalig.
Simula Agosto 2 hanggang Agosto 4 ay naganap ang magkakasunod na engkwentro sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra. Dito ay nagbuwis ng kanilang dakilang buhay ang tatlong magigiting na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan–sila Ka Ken/Aki, Ka Beast/Duma, Ka Abdul/Chico. Ang mga engkwentrong ito ay karugtong ng nangyaring labanan sa Barangay Apao, Tineg, Abra noong July 19 kung saan namartir naman si Ka Andrei/Flot.
Sa ginawang operasyong militar na ito ng 50th at 98th Infantry Battalion (IB), muling nalantad ang totoong mukha ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang mga berdugong taga protekta ng interes ng naghaharing uring panginoong maylupa (PML) at malalaking burgesya komprador (MBK).
Sa retrieval ng bangkay ng tatlong mga pulang mandirigma pinatagal pa ng lagpas sa trenta oras bago ipakita sa mga pamilya ang mga labi. Inipit sa isang morge sa Bangued ng mga kapulisan at military ang magulang ni Ka Ken na maagap na bumyahe ng malayo upang makuha na agad ang bangkay ng anak. Siya ay pinaghintay, hindi agad hinarap ng mga awtoridad at pilit na ipinagkakait ang bangkay dahil sa mga “protocols” na kailangan pa ‘di umanong gawin. Walang pagrespeto sa namatay at sa namatayan ang mga kapulisan at militar, imbes na maharap na ng mga pamilya ang kanilang pagluluksa, sila pa ay pinahirapan. Sa panahon ding iyon ay dinumog ng mga unipormado at di unipormadong mga intel na kumukuha ng mga litrato at bidyo ng pamilya ng mga kasamang Hukbo at mga paralegal. Sila rin ay napalibutan ng mga armadong pwersa ng AFP at Philippine National Police (PNP). Bangkay na ang kanilang kaharap ngunit nanginginig parin sa takot ang mga armadong pwersa ng estado.
Sa nasabing ilang araw na combat operations na ito, malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ang ginawang excessive use of force ng AFP. Kung totoo ang propaganda ng 5th Infantry Division (ID) na sasampung (10) myembro na lamang ng PKP-BHB ang natitira sa Abra bakit takot na takot sila at kailangan pang 2 batalyon ang kanilang ipakat. Overkill ito. Ang tagal ng tinatambol ng 5th ID ang paghahangad ng kapayapaan ng mamamayan ng Hilagang Luzon ngunit napakalinaw na kaya nga hindi makamit ng masa ang tunay na kapayapaan ay dahil sa tuloy-tuloy na militarisasyon sa kanayunan.
Sa katotohanan ang AFP at PNP sa Abra ay nagsisilbing security force ng mga kapitalistang interes sa probinsya. Mayaman sa depositing mineral tulad ng gold, silver, copper at mga non-metallic minerals tulad ng clay, limestone, at rock phosphate ang kabundukan ng probinsya. Mahigit 16,000 na ektarya na sakop ng Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub, at Malibcong ang kasalukuyang may aplikasyon ang Yamang Mineral Corporation. Maliban pa ito sa aplikasyon ng Golden Lake Mineral Resources Inc. sa Abra. Ito ay bahagi ng pangkalahatang polisiya ng reaksyonaryong gobyerno na buksan ang ating kalupaan at karagatan para sa pandarambong ng mga malalaking lokal at dayuhan na kompanya. Mismong si Bong Bong Marcos (BBM) ang naglalako ng ating mga rekurso sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa kung saan hinihikayat niya ang mga investors at ibinibida ang ating mga likas-yaman. Ngunit mulat na ang mamamayan sa mga mapangwasak na proyektong ito, walang tunay na kaunlaran itong hatid; bagkus ay pagkasira ng kalikasan, pagkawala ng kabuhayan, at pag-agaw sa kanilang lupaing ninuno. Ang tumitinding paglaban ng mamamayan sa mapangwasak na pagmiminang ito ang tunay na dahilan ng tuloy-tuloy na combat operations ng militar. Nais nilang sirain ang pagkakaisa at patayin ang palabang diwa ng mga Tinggian at masang Abrenio.
Dagdag pa, may plano rin ang AFP na magpatayo ng 2,000 ektaryang military complex sa mga bayan ng Luba, Villaviciosa at Pilar na paghihimpilan ng mga dayuhang sundalo. Ito ay lantarang pagtapak sa soberanya ng ating bansa. Sa pagpayag ni BBM sa proyektong ito ay kitang-kita ang pagpapakatuta niya sa kaniyang among imperyalistang US. Mangangahulugan muli ito ng pag-agaw ng lupain ng mga magsasaka at pagkawala ng kanilang kabuhayan. Hindi rin malayo na maranasan sa mga bayang ito ang naging karanasan sa ibang mga komunidad na tinayuan ng mga kampong militar. Lumaganap ang prostitusyon, sugal, at pagtaas ng kaso ng sexual violence at harassment. Kung aktwal din na diyan maghihimpil ang mga dayuhang sundalo, lalo na ang mga Amerikano, magiging mas bulnerable ang komunidad at ganoon na rin ang ating bansa sa atake mula sa mga bansang kaaway ng imperyalistang US. Nakita na ito na nagaganap sa digmaan ng US-Iran kung saan mga imprastrakturang pagmamay-ari ng US at US military bases ang binomba ng Iran.
Mula noon hanggang ngayon walang pinagkaiba ang kalagayan ng Abra. Noong 1970s, sa panahon ng Martial Law sa ilalim ng diktador Ferdinand Marcos, pilit na itinutulak ang pagpasok ng Cellophil Resources Corporation (CRC) na puputol sa libo-libong puno at kakalbo sa kabundukan sa tri-boundary ng Abra, Kalinga at Mountain Province. Dahas din ang ginamit ng estado upang makumbinse ang mga komunidad na payagan ang kompanya. May mga nagbuwis din ng buhay sa pakikibaka laban sa CRC at sa huli ay nagtagumpay ang masa na pigilan ang operasyon nito. Ngunit nagtuloy-tuloy ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao. Dahil ang ganid na interes ng mga PML at MBK ay naririyan pa rin sa mga kabundukan, mga ilog, mga pamayanan. Nais nilang kamkamin ang lupa at katasin ang yaman nito.
Ilan lamang sa mga paglabag sa karapatang pantao ng militar nitong mga nakaraang taon ay ang paglabag sa karapatang pantao ay noong 2022, walang habas na pinaputukan ng mga sundalo ang 4 na magsasaka sa Lacub dahil sa hinalang sila ay mga BHB. Noong 2023 pinaslang ng mga sundalo ng 77th IB si Antonio Diwayan, isang magsasaka sa Lacub na pinaratangan na Hukbo. Noong 2024 ay nabulabog ang mga komunidad sa boundary ng Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur dahil sa walang habas na pambobomba at straffing ng mga Air Force at 5th ID. Napilitang lumikas ang di bababa sa 200 na residente. Buong yabang pa na ipinagmalaki ng 5th ID ang ginamit nilang pangbomba na Embraer A-29 Super Tucano na nagkakahalaga ng Php 2.1 milyon. Samantalang ang masang magsasaka ng Ilocos at Abra sa panahong ito ay dumaranas ng krisis dahil sa paghagupit ng El Nino at pagbagsak ng presyo ng tabako at mais. At nitong huling bahagi ng 2025 hanggang mid-2026, nakapagtala na ng mga kaso ng pangangabit ang mga sundalo sa mga may asawang kababaihan sa loob ng ilang buwang pagkakampo nila sa mga baryo, na labag din sa IHL.
Hindi makakamit ng probinsya ng Abra ang tunay na kapayapaan sa ilalim ng isang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema. Mismong ang mga lokal na pulitiko sa probinsya ay nagpapalaganap ng karahasan at culture of impunity sa pagpayag sa mga malalaking operasyong militar, sa pagkakaroon ng mga private goons at pagpapanatili ng warlordismo. Ang mapanlinlang na panawagan ng 5th ID para sa localized peacetalks ay isang taktika ng paghahati sa ating rebolusyonaryong hanay. Kung matapat ang gobyernong ito sa tunay na usapang pangkapayapaan, itaguyod nito ang mga napagkasunduan tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ngunit malinaw sa rekord ni BBM ang malalang paglabag sa karapatang pantao. Nais ng pamahalaan na ibaba ng BHB ang kanilang armas bago makipag negosasyon. Sa madaling sabi, ang nais ng gobyerno ay ang pagsuko ng rebolusyonaryong kilusan. Nililinlang ng militar ang masa sa kanilang hungkag na anti-insurgency campaign na kinabibilangan ng walang pakundangang korapsyon. Sila ay magpapasuko di umano, gagamitin sa publicity stunt ang mga surenderees at bibigyan ng maliit na halaga at ilang piraso ng grocery. Pero sa likod nito ay ang pagbulsa ng mga sundalo at pulis sa reward money. Madalas paulit ulit na pinapasurrender ang masa upang bumuo ng impresyon na marami ang sumusuko.
Ang mga ganitong pamamaraan ng estado ay walang tunay na reporma sa lupa at sistemang pampolitika, kaya tiyak na hindi magreresolba sa ugat ng armadong tunggalian.Ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ang tanging solusyon sa kasalukuyang krisis, kagutuman at kahirapan. Ang pampulitikang lakas ng masang magsasaka at manggagawa ay nanggagaling mismo sa armas na tangan ng BHB. Kaya hindi ito pwedeng bitawan ng masang lumalaban.
Hamon sa mamamayan ng Abra ang salagin ang pasistang atakeng ito ng estado upang higit na magpalawak at magkaisa. Humalaw ng aral mula sa mga nakaraang karanasan at mapagpasyang sumulong. Ilaban ang karapatan sa lupang ninuno at palayasin ang mga berdugong militar sa mga komunidad. Buuin ang mga rebolusyonaryong organisasyon masa sa baryo na magsisilbing binhi ng demokratikong gobyernong bayan. Maglunsad ng mga anti-pyudal na pakikibakang tutugon sa pang ekonomiyang interes ng masang magsasaka, at isulong ang tunay na reporma sa lupa. Ito ang panahon upang tumindig at mamuno ang mga elders na may mayamang karanasan na sa pakikibaka. Imulat at pakilusin ang mga kabataan sa dakilang tungkulin na depensahan ang lupang ninuno. Palakasin ang BHB sa pamamagitan ng paniniktik sa kaaway, pagbibigay ng tulong materyal at higit sa lahat ang pagpapasampa.
The post Mamamayan ng Abra Pahigpitin ang Pagkakaisa, Labanan ang Militarisasyon, Depensahan ang Lupang Ninuno at Isulong ang Digmang Bayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

