Ipinagmamayabang ng berdugong militar ang resulta na naganap na labanan sa pagitan ng pinagsanib pwersang 50 Infantry Defender Battalion at 98 Masinag Battalion sa isang yunit ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) nito lamang ika-4 ng Agosto bandang 11:10 ng hapon sa Bonglo, Licuan-Baay, Abra. Ito ay ika-apat na reported na enkwentro sa pagitan ng dalawang panig mula sa mga nakaraang linggo, kasunod noong ika-2 sa parehong lugar at noong ika-19 at ika-20 ng Hulyo sa Tineg, Abra. Sinasabing nasawi dito ang tatlong pinaghihinalaang myembro ng NPA at ayon sa mga ulat nasamsam ang ilang kagamitan na dalawang M16 rifle at isang M14 rifle mula rito.
Naganap ang naturang labanan sa gitna ng sumisidhing kahirapan hindi lang ng mga taga-Abra kundi ng buong mamamayan Kordilyera. Naghihirap ang Kaigorotan dahil sa malubhang usapin sa mababang sahod at barat na kita, patuloy na kawalan ng akses sa mga batayang serbisyo, at ang pagkalugmok ng mga kabundukan sa patuloy na pagpasok ng mga dambuhalang mapanirang mga proyekto sa mga lupang ninuno.
Ang probinsya ng Abra ay kabilang sa mga lugar na madaming peke at palpak na flood control projects na kung saan sunod-sunod ang pagguho ng mga ito. Bukod pa rito pilit na pipapasukan ito ng mga malalaking kompanya ng minahan gaya Yamang Mineral Corp.
Liban pa rito ay may banta din ng pagtatayo ng 2,000 hectare military complex na proyekto ng AFP. Tiyak na sa pagpapalawak ng base ng militar ay ang pagsinsin ng mga operasyong militar. Dito ay haharap sa mas malalang paghihirap ang mamamayan ng probinsya dulot ng tiyak na pagdami ng mga paglabag sa mga karapatang pantao sa mga sibilyan na napatunayan na sa kasaysayan ng krimen ng teroristang AFP.
Ang papatinding operasyon ng militar sa probinsya at buong rehiyon ay isang desperasyon ng pasitang rehimen na kamtin ang huwad na deklarasyon ng “insurgency free” sa Kordilyera. Nagkukumahog si Marcos Jr. na kamtin ang status ng “insurgency free” at makapihit sa eksternal na depensa alinsunod sa utos ng amo nitong imperyalistang US.
Ang mismong mga problema at kahirapang ito ang dahilan ng pagpapatuloy ng armadong pakikibaka sa kabundukan ng Kordilyera. Sa matagal na panahon, ang Bagong Hukbong Bayan lamang tanging hukbo na tunay na nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan at ng katutubo laban sa mapanirang mga proyekto at karahasan ng militar.
Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan-DATAKO (KM DATAKO) ang magiting na paglaban ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Abra. Samantala, mariin din nating kinukundena ang paggamit ng labis na dahas ng teroristang AFP sa pakikidigma at ang patuloy na presensya nito sa ating mga komunidad. Marapat na kilalanin ang International Humanitarian Law at tiyakin ang makataong pagtrato sa lahat ng apektado ng engkwentro.
Nanawagan din kami sa mamamayan ng Abra na tibayan ang hanay at labanan ang pasistang pagaatake ng mga militar. Kaakibat ng pagtatanggol ng karapatan ang depensa sa lupa at kabuhayan ng masang api ng Abra at ng buong Kordilyera. Palakasin ang mga panawagan na paalisin ang tropang militar na perwisyo sa pamumuhay ng mga katutubo. Igiit natin na itigil ang militarisasyon sa kanayunan at ilipat ang pondo sa depensa tungo sa serbisyong panlipunan.
Habang tumitindi ang militarisasyon sa kanayunan, marapat na paigitngin ang armadong pakikibaka. Hindi maipagkakaila na haggat hindi nalulutas ang ugat ng armadong tunggalian ay patuloy nauusbong ang mga rebolusyonaryo upang patuloy na isulong ang tunay na pambansa demokratikong kalayaan.
The post Sa harap ng labanan at masinsing operasyong militar sa Abra, lutasin ang krisis at kahirapan sa landas ng armadong pakikibaka! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

