Muling nagsagawa ng demolisyon ang mga blue guard ng Agency of Registered Mission Security sa Pooc Malantic, Barangay UP Campus noong Hulyo 31, bandang alas 10:29 ng umaga. Isinagawa ito bilang bahagi ng pagpapalayas para sa University of the Philippines Sustainable Development Goals Park o UP SDG Wellness Park.

Ayon sa mga residente, binaklas ng mga tauhan ang mga yero sa tahanan ni Imanuel Lazaro habang wala siya sa bahay. Pumasok ang isang L300 van ng 10:30 ng umaga upang isakay at kumpiskahin ang mga kagamitan sa loob ng bahay.

Pagdadahilan ng mga gwardya na binuwag ang istruktura dahil paulit-ulit umano itong itinatayo sa kabila ng mga naunang pagbabawal. Mariin naman itong itinanggi ng mga residente. Anila, matagal nang nakatirik ang naturang bahay sa komunidad.

Bunsod ng insidente, nanawagan ang komunidad sa agarang pagkilos upang maitala at madokumento ang insidente, gayundin upang magbigay ng paunang tulong sa mga apektadong pamilya. Kasalukuyang binabantayan ng komunidad ang sitwasyon sa lugar.

Isinagawa ang demolisyon isang araw matapos itatag ang “Stop UP SDG Park Network” ng mga progresibong grupo ng estudyante, samahan ng maralita, at akademikong unyon ng UP Diliman upang labanan ang UP SDG Park at ibayong komersyalisasyon sa kampus.

Kasalukuyang kumakaharap sa banta ng demolisyon ang 800 pamilya na nakatira sa 24-hektaryang lupain ng unibersidad upang bigyang daan ang proyekto. Dito itatayo ang mararangyang pasilidad na hindi tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, tulad ng golf driving range at clubhouse.

The post Bahay sa UP Campus, iligal na dinemolis para sa UP SDG Park appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.