Taas kamaong nagpupugay ang MAKIBAKA-Oriental Mindoro ang tatlong mandirigma ng Lucio De Guzman Command-NPA Mindoro na napaslang sa magiting na pakikipaglaban sa pinagsanib na tropa ng 76th Infantry Batallion at 5th Scout Ranger Batallion noon Hulyo 29, 2026. Sina Ella Mae “Ka Andeng” Valdehueza, Ric Ka Songling Solangon at Ka Julia ay ang tinaguriang “Naujan 3” na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan walang pag iimbot na inialay ang kanilang buhay sa paglilingkod sa sambayanan. Samantala, sinasaluduhan din ang katapangan ng 2 babaeng pulang mandirigma na palayain ang sarili mula sa burges at pyudal-patriyarkal na pananaw sa mga kababaihan na piniling humawak ng armas at iambag ang sarili sa rebolusyon upang palayain ang kababaihan at buong sambayanan sa pagsasamantala ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata-Kapitalismo.
Mariing kinukundena ng MAKIBAKA- Oriental Mindoro ang 203rd Bde sa paglapastangan at kawalang galang sa mga bangkay ng mga mandirigma na paglabag sa International Humanitarian Law( IHL) nang i-post nito sa facebook ang duguang bangkay ng mga mandirigmang napaslang na mistulang ipinipresentang tropeyo sa labanan.
Ang naganap na labanan sa Naujan ay nagpapakita na nagpapatuloy at di kailanman nawala ang rebolusyonaryong kilusan sa bayan ng Naujan. Hangga’t malakolonyal at malapyudal ang lipunan, may pang-aapi at pagsasamantala, ay mataba ang lupa para sa pagsusulong ng digmang bayan sa Mindoro.
Matagal ng pinabayaan ng rehimeng US Marcos Jr. ang mamamayan ng Naujan. Kadusta- dusta ang kalagayan ng mga magsasaka at kababaihan sa Naujan. Noong idineklara ng NTF- Elcac at 203rd Bde na nakamit na ang istatus ng SIPS (Stable Internal Peace & Security) ang bayan ng Naujan kasama ang mga bayan ng Baco, San Teodoro at Victoria noong 2024, buong layang ipinasok ang mga proyektong “pangkaunlaran” na ipinakete sa Naujan Lake Development Project na sa katunayan ay hindi talaga magsisilbi para sa kaunlaran ng masang Naujaneño at mga Mindoreño. Layunin daw ng Naujan Lake Development Project na palaguin ang lokal na industriya ng agri-bussiness at eko-turismo. Kung gayon hindi para sa masang Naujaneño ang programang ito, kundi para sa kapakinabangan lamang ng mga dayuhang mamumuhunan, mga malalaking burgesyang kumprador at mga lokal na burukrata kapitalista hindi lamang sa bayan ng Naujan kundi sa mga bayan ng Victoria, Pola at Socorro. Magpapatuloy lamang ang pagpapalit-gamit ng mga lupaing agrikultural tungo sa mga lupaing pangnegosyo at pangturismo na lalong magsasadlak sa mas higit na kahirapan sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa pangangamkam ng lupa, pagbabawal sa pangingisda, at pagpapalayas sa mga komunidad sa tabing-lawa.
Kagaya ng mga magsasaka, sadlak sa kumunoy ng kahirapan ang mga kababaihan, ang dati ng problema sa kawalan ng lupa ay lalala dahil sa pangangamkam at kumbersyon ng mga lupang sakahan tungong panturismo. Mababa ang presyo ng mga produktong mula sa mga kapirasong lupang pinagyayaman, habang napakababa naman ng sahod sa arawang paggawa. Hindi na nga makasapat sa arawang gastos ng isang pamilya ang itinakdang minimum wage sa MIMAROPA ay hindi pa ipinatutupad ng mga PML at mga kapitalista. Walang ayuda para sa mga pinsala lalo ng bagyo at pagbaha, kinurakot pa ang pondo ng bayan para sa flood control projects.
Habang naghihirap na ang mga kababaihan at masang Naujaneño sa kabuhayan dahil sa kapabayaan ng gobyerno, at nagdurusa dahil sa pangangamkam ng lupa, pagbabawal sa pangingisda, at pagpapalayas sa mga komunidad, dagdag na perwisyo pa ang mga operasyong militar ng 203rd Infantry Brigade sa Naujan, na naghahasik din ng pasismo sa buong Mindoro. Ang 203rd IBde ang numero-unong nang-aabuso sa mga kababaihang Mindoreño. Hindi pa nabubura sa ala-ala ng mamamayang Naujañeno ang pagpaslang kina Jovy Magsino at Leyma Fortu na pinaratangang mga myembro ng CPP-NPA-NDF. Hindi iilan ang nakaranas ng iligal na interogasyon, panghaharas at tortyur sa panahon ng Oplan habol Tamaraw ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang nagtutulak sa mga kababaihang Mindoreño at maging buong kababaihang Pilipino na tahakin ang landas ng rebolusyon upang ipagtanggol ang karapatan sa kabuhayan at iba pang karapatan na ipinagkakait ng kasalukuyang malapyudal at malakolonyal na lipunan. Tulad ng mga namartir na kababaihang Pulang Mandirigma, patuloy na lalahok ang kababaihang Mindoreño sa demokratikong rebolusyong bayan upang kamtin ang lipunang tunay na malaya, demokratiko at may sosyalistang hinaharap.
Nananawagan ang Makibaka- Oriental Mindoro sa lahat ng mga kababaihan na maging matapang at mapangahas sa pagharap sa pagsasamantala at pasismo.
Magkaisa at labanan ang pahirap, korap at pasistang rehimeng U.S. Marcos II!
Kababaihang Mindoreño, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
The post Kababaihang Mindoreño, tanganan ang naiwang armas ng Martir sa Naujan, lumahok sa digmang-bayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

