Pinagpupugayan ng Lucio de Guzman Command NPA Mindoro ang magiting na paglaban ng isang yunit ng NPA Mindoro sa pinagsanib na pasistang tropa ng 76th Infantry Batallion at 5th Scout Ranger Batallion sa naganap na limang magkakasunod na sagupaan sa Barangay Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro nitong ika-29 ng Hulyo taong 2026 bandang 1:30 ng hapon. Inatake ng mga pasistang pwersa ang yunit ng NPA habang nagsasagawa ang mga ito ng gawaing masa sa saklaw ng bayan ng Naujan. Namartir ang tatlong magigiting na Pulang mandirigma sa ikaapat na labanan.

Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng LdGC-NPA Mindoro kina Ella May “Ka Andeng/Aira” Valdehueza, Ric “Ka Balawoy/Songling” Solangon at “Ka Julia” na namartir sa naganap na labanan. Habang panahon silang dadakilain ng masang Mindoreño at mga susunod pang henerasyon na tiyak na tatangan sa kanilang mga naiwang armas. Nalulungkot man sa pagkasawi ng tatlong mabubuting anak ng bayan, hindi mapipigilan ang pagpapatuloy ng pakikibaka ng mga naghihirap na magsasaka at buong masang Naujaneño upang ipagpatuloy ang laban para sa lupa at iba pang karapatang-tao.

Walang katuturan ang pagmamayabang ng 203rd Brigade sa diumano’y tagumpay nito sa pakikipaglaban sa nakasagupang yunit ng NPA Mindoro sa pagpost ng mga bangkay ng mga nasawing Pulang Mandirigma. Ang tanging kasama ng ng 203rd IBde sa pagdiriwang ay ang mga lupon ng mga naghaharing-uri na mga panginoong maylupa, malalaking burgesyang-komprador at burukrata-kapitalista na namamayagpag sa bayan ng Naujan at Mindoro. Habang nagdadalamhati naman ang masang Naujaneño at buong masang Mindoreñong inaapi at pinagsasamantalahan ng mga naghaharing-uri sa pagkamartir ng tatlong Pulang Mandirigma na kanilang tunay at pinakamamahal na hukbo.

Makailang-ulit mang pilit at pagmamadaling ideklara ng NTF-ELCAC at 203rd IBde-PNP MIMAROPA na “insurgency-free” na ang bayan ng Naujan at iba pang bayan sa Gitnang Silangang Mindoro, hindi nito mapapasubalian ang katotohanan na hindi nawala at nagpapatuloy ang pakikibaka ng masang Naujaneño kasama ang iba pang masang Mindoreño para sa lupa, karapatan, tunay na kalayaan at demokrasya. Matatandaang sa nakaraang taon ng 2025 magiting na nilabanan ng mga Yunit ng NPA ang mga atake ng 203rdBde, sa mga naganap na labanan sa Pola noong Pebrero 19, mga labanan sa Baco noong Agosto 9 at 12. Samantala nailunsad din ang isang taktikal na opensiba laban sa PNP-Mimaropa sa bayan ng Victoria noong July. Binigo nito ang mga kampanya ng pagkubkob at paglipol sa mga yunit ng NPA.

Mayaman ang kasaysayan ng paglaban ng masang Naujaneño para sa lupa, kabuhayan, at iba pang karapatan laban sa mga dayuhang kolonya, mapagsamantalang panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador, at mga burukrata-kapitalista. Pinangunahan ni Francisco Manalaysay ang paglaban ng mga magsasaka at Naujaneño laban sa mga mananakop na Espanyol. Sa panahon naman ng pananakop ng mga Amerikano ay pinangunahan ni Kapitan Valeriano Gasic ang paglaban kasama hindi lamang ang mga masang Naujaneño kundi maging ang buong masang Mindoreño. Sa panahon ng pananakop ng mga pwersang Hapones ay may grupong gerilya rin sa bayan ng Naujan. Habang kilala naman si Padre Ed Dela Torre na tubong Naujan, Oriental Mindoro na isa sa lumaban sa panahon ng panunupil ng Martial Law na idineklara noon ng tiranikong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ang isang tiyak din, lalong mag uumalpas at maantig ang mga Naujeño. Mataas ang pagkilala ng mamamayan dito sa tradisyon ng pagmamahal sa bayan, sa demokrasya at kalayaan. Ang tradisyong ito na naglikha ng Gasic, dela Torre at iba pa, ang ipinakita sa pagharap sa berdugong si Palparan at hanggang sa kasalukuyang panahon. Lalo na’t nariyang nagpapatuloy ang mga dahilan upang maghanap ang mga Naujeño ng katarungang panlipunan dahil sa sakmal ng kahirapan, pang-aapi, pagsasamantala at panunupil.

May dahilan upang maghimutok ang kalooban ng mga Naujeño. Ang kanilang produktong bukid, pangunahin na ang palay ng magsasaka ay kinukulimbat ang kita ng mga kartel at monopolyo sa pamilihan ng palay at bigas. Lumalala ang kawalan ng lupa at hanapbuhay. Mababa ang pasahod sa manggagawa at manggagawang bukid. Tumataas ang gastos sa produksyon habang sumasadsad ang presyo ng palay tuwing anihan. Ang mga lupain, batayang sangkap sa pagsasaka at pamilihan ng palay at bigas ay kontrolado ng iilang malalaking panginoong maylupa at burgesya komprador. Ang kanilang ani ay nasasalanta pa ng mga bagyo, baha, tagtuyot at iba pang peste sa tanim.

Pinakamapaminsalang peste ang hatid ng pangungurakot ng pondo ng bayan ng mga matataas na opisyal (o mga burukrata kapitalista) na dapat nailaan sa imprastruktura at serbisyong kailangan ng mga Naujeño. Ang sumambulat na bilyong pisong katiwalian sa flood control project sa pondong bayan noong 2025 ay isang pasilip lang sa malalang korapsyon sa proyektong flood control na dekada na sa bayang ito. Dulot ng pagmimina, quarrying at malalaking proyekto tulad ng Sta Clara Power Corporation (SCPC) binago at patuloy na binabago ng baha ang kumpigurasyon ng kalupaan at mga pamayanan ng Naujan. Mula ng salantain ng bagyong Nona noong 2015 ang Naujan at buong Central Oriental Mindoro, bangungot sa Naujeño ang mga pagbaha na paulit ulit nilang kinakaharap sa kabila ng ilang dekada nang paglalaan ng pondo dito.

Sa kabila ng mga deklarasyong Conflict Manageable and Ready for Development (CMRD) at bandang huli ang Sutainable Stable Internal Peace & Security (SIPS) upang lokohin ang taumbayan na burado na ang NPA sa lugar ay hindi naglubay ang mga operasyong kombat, paniktik at CMO para tiyakin ang pagbabantay sa interes ng dayuhang namumuhunan, lokal na panginoong maylupa, burgesyang kumprador at burukrata kapitalista. Hindi inalis ang Patrol Base ng 76IB sa Barangay Balite, at makailang bugso ang inilunsad na mga Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga Brgy ng Naujan. Ang presensyang ito ng kaaway sa mga Brgy ng Naujan at karatig ang perwisyo sa mga magsasaka sa pagpapaunlad ng mga sakahan dahil sa mga inilulunsad na curfew at di pagpapahintulot na pumunta sa mga sakahan sa mga panahong naglulunsad ng operasyong kombat.

Tulad ng ilog ng Mag-asawang Tubig, Pamuwisan at Bucayao, hindi kailanman mapipigilan ng anumang tindi ng dahas at panlilinlang ng papet, pasista at mandarambong na naghaharing rehimeng US-Marcos ang sumusulong na rebolusyonaryong paglaban ng aping mamamayan sa Mindoro at buong bansa. Dahil nakaugat sa masa at nasa wastong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM), hindi kailanman ito magagapi, patuloy itong susulong, yayabong hanggang makapag-ipon ng sapat na rumaragasang lakas para makamit ang ganap na tagumpay. Nakatitiyak sina Ka Aira, Ka Songling at Ka Julia na hindi kailanman masasayang ang ibinuwis nilang buhay at dugong dinilig sa dakilang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan, demokrasya hanggang sosyalismo.

Mamamayang Mindoreno lumahok sa paglulunsad ng pambansa-demokratikong rebolusyon, ito lamang ang magpapalaya sa masang Mindoreño sa kamay ng mga nagsasamantalang panginoong maylupa, dayuhang kapitalista at lokal na burukrata.

Mabuhay ang buhay at pakikibaka ng 3 martir sa Naujan!

Mabubuting anak ng Mindoreño, damputin ang sandatang nabitawan ng martir ng Naujan, sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

The post Pagpugayan ang magiting na paglaban ng yunit ng NPA laban sa pasistang pwersa sa Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro! Pinakamataas na pagpupugay sa 3 martir ng rebolusyon! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.