Inireklamo ng mga residente ng isang barangay sa San Jose de Buan, Samar ang paninira at pagnanakaw ng pananim ng 46th IB noong huling linggo ng Hulyo. Naiulat ang pagpuputol ng mga sundalo sa isang punong kalamansi at pagtapak at paninira sa mga tanim na palay sa Barangay Can-aponte.
Sa bidyong inilabas ni Julito Gabane Paclita sa Facebook, ipinakita ang isang matandang ginang na nagpahayag ng saloobin sa pagputol ng kanyang punong kalamansi at pagnanakaw sa bunga nito. Inakusahan ng ginang ang mga tropang pinamumunuan ng isang Aljhier Cabasa bilang nasa likod ng naturang pang-aabuso.
Pinatotohanan ito ng mga nagpakilalang kamag-anak ng babae sa bidyo. Ayon sa komento sa Facebook ng isa sa kanila, itinuturong salarin si Cabasa at kanyang tropa dahil sila ang lagi niyang nakikita na tumutungo sa kanilang bukid.
“Binanggit [si Cabasa] dahil ikaw ang kilala ni mama na naandon. Nakita kasi kayo ni mama na maglilipat ng mga kalabaw namin. Nasusundan kayo ni mama,” ayon sa isang komento. Patotoo pa ng isa, “walang ibang sundalo na naandon kundi sila lang.”
Ang puno ng kalamansi at mga bunga nito ay pinagkakakitaan ng ginang. Ipinapabaon niya ito sa kanyang mga anak at ipinapabenta para sa dagdag kita.
“Hindi niyo mararanasan [na masiraan ng hanapbuhay] kasi wala kayo sa aming sitwasyon. Hindi kayo naghihirap sa pagtatanim niyan dahil pagod, grabeng pagod at pinagdaanan ni mama para magkapera,” dagdag ng anak ng ginang.
Maliban dito, inilabas sa Facebook ni John Paclita ang isang bidyo kung saan kitang-kita ang bakas ng malalapad na sapatos na iniwan ng mga pasistang tropa sa isang bukid. Inapak-apakan ang mga tanim na palay at inubos din ang mga tanim na mais, ayon sa mga residente.
Sa isa pang bidyo, makikita ang malawak na eryang hinawan ng mga sundalo para kampuhan. Iniwan rin ng mga ito ang basura at kalat ng mga basyo ng delata, at mga balat ng mais na ninakaw nila. Isa pang residente na nag-ngangalang “Carmelita” ang inapak-apakan din ang mga tanim na palay.
Pinangalanan ng mga nagreklamo ang 46th IB bilang nasa likod ng mga pang-aabuso. Ang naturang yunit ang nakadeploy sa Barangay Can-aponte. Ang batalyon ay kasalukuyang pinamumunuan ni Lt. Col. Marvin Inocencio na itinalaga noong Hulyo 2025.
Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang pang-aabusong militar sa Barangay Can-aponte. “Naghahari-harian ang mga pasistang tropa sa kanilang baryo nang walang pananagutan, lantaran silang inaagawan at sinisiraan ng hanapbuhay, at pinagkakaitan pa ng mga paraan para singilin sila sa mga pang-aabuso,” pahyag ni Ka Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng yunit.
Ayon kay Dagohoy, ang ginawa ng militar ay lubhang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Nilabag nito ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines. Alinsunod sa ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 3, Numero 7 ng CARHRIHL, ipinagbabawal “…ang pagkawasak ng mga buhay at ari-arian ng populasyong sibilyan;”
Sa kabilang panig, mahigpit na tumatalima ang BHB sa internaasyunal na makataong batas, at sumusunod sa mas mahigpit na disiplina ng “Tatlong Alituntunin sa Disiplina at Walong bagay na dapat Tandaan.” Dagdag ni Dagohoy, “bilang hukbo na prinsipyado at binubuo ng mga kapwa magsasaka, lubos naming nauunawaan ang hirap at pagod ng paghahanapbuhay para lamang may maihapag na pagkain sa pamilya.”
Sa harap nito, hinimok ng yunit ang mamamayan ng Can-aponte na pag-isahin ang kanilang tinig, palakasin ang kanilang hanay at pagbayarin ang mga tropa ng 46th IB. Aniya, dapat ipursige ng mga residente ang paglalantad sa mga abusong militar sa kanilang komunidad dahil hangga’t hindi sila napapanagot ay magpapatuloy lamang ang kanilang mga krimen.
Nagpahayag rin ng kahandaan ang pamprubinsyang kumand na magpupursigi ito sa pagpapalakas at maglulunsad ng mga taktika na opensiba para pagbayarin ang mga pasistang abusado. “Sa pamamagitan ng nagkakaisa at matapang na paglaban, kayang kamtin ng masa at hukbo ang tunay na hustisya,” ayon kay Dagohoy.
The post Paninira at pagnanakaw ng pananim ng 46th IB sa Samar, inireklamo ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

