Nakatakbo at maswerteng nabuhay ang isang magsasakang residente ng Barangay L. Empon sa Las Navas, Northern Samar matapos paulanan siya ng bala ng mga sundalo ng 43rd IB noong Hulyo 26 ng hapon. Nangangalap noon ng makakaing gulay ang magsasaka nang pagbabarilin ng mga sundalo.

Matindi ang tromang dinanas ng magsasaka dahil dito. Tumanggi siyang lumantad sa publiko dahil sa posibleng paghihiganti ng mga sundalo sa kanya at sa kanyang pamilya.

Pinalubha ang kanyang troma sa pagtanggi ng pananagutan at pagpapakalat ng kasinungalingan ng 43rd IB. Pinalabas ng batalyon na nagsagawa lamang ito ng “live-firing” na pagsasanay sa barangay.

Maraming katulad na kaso na ng pamamaril ang 43rd IB sa bayan ng Las Navas sa nagdaang mga buwan. Bahagi ito ng patakaran sa panunupil ng batalyon laban sa mga residente sa balangkas ng kampanyang kontra-insurhensya at National Action Plan for Unity, Peace and Development o NAP-UPD.

Alinsunod dito, pinagbabantaan at binabalaan ng mga sundalo ang mga magsasaka na huwag tumakbo kung makasalubong sila sa gitna ng pag-ooperasyon sa mga bundok at bukid. Gayunman, hindi maiiwasan na may mga inosenteng sibilyan na tumakbo pa rin dahil sa takot. Agad na pinapuputukan ng mga sundalo ang sinumang makita nito kahit hindi natitiyak kung armadong kalaban na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ang nakaharap.

Ang pamamaril ng 43rd IB ay labag sa internasyunal na makataong batas. Sa konteksto ng armadong tunggalian sa bansa, labag ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Republika mg Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin. Sila ay pangangalagaan laban sa walang habas na pambobomba mula sa himpapawid, istraping, panganganyon, pagmomortar, panununog, pambubuldoser at iba pang katulad na anyo ng pagwasak…”

The post Magsasakang nag-aani ng gulay sa Northern Samar, pinagbabaril ng 43rd IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.