Naglunsad ng protesta ang iba’t ibang sentro sa paggawa at samahang manggagawa sa harap ng Pasig City Regional Trial Court noong Agosto 3 para kundenahin ang pagharang ng korte sa pagpapatupad sa ₱85 dagdag sahod sa National Capital Region. Magkakasamang kumilos ang militanteng sentro sa paggawa na Kilusang Mayo Uno (KMU), ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Nagkaisa! Coalition, Kamanggagawa at Unity for Wage Increase (UWIN). Nagkaroon din ng isang hiwalay na pagkilos ang mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila.

Ang suspensyon sa dagdag sahod ay alinsunod sa inilabas na kautusan ng korte noong Hulyo 30 ng naglalaman ng temporary restraining order (TRO) pabor sa petisyon ng dalawang kumpanya sa konstruksyon. Inihain sa korte ang petisyon ng mga kumpanyang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc. laban sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission noong Hulyo 23.

Bunga ng TRO, ipinatigil ng DOLE ang karampot na dagdag sahod. Sinimulang ipatupad noong Hulyo 19 ang unang bahagi ng dagdag sahod na ₱60/araw na susundan ng ₱25/araw na dagdag sa Enero 2027.

Ayon sa mga grupo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na hinamon sa korte ang dagdag-sahod. Anila, napakadelikado nito dahil maaaring paulit-ulit na gawin ng mga kumpanya sa hinaharap sa kapinsalaan ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.

Sa protesta, kinundena ng KMU ang R-II Builders at Readycon Trading sa labis na pagkagahaman sa yamang nililikha ng mga manggagawa. Sukdulang ipagkait ang kapiranggot na ₱85 para lamang panatilihin ang bilyun-bilyong tubo, anito.

Dagdag-patunay umano ang hakbang ng korte sa kabulukan ng mga Regional Wage Board na tila itinali ang kamay sa pagpapatupad ng sarili nitong kautusan. Kinundena rin ng KMU si DOLE Secretary Francis Tolentino sa kanyang kawalang-aksyon, at pambobolang “nalungkot” siya sa pagharang sa umento.

“Ano Tol, nalungkot ka lang? Magpapakalugmok ka na lang diyan, tapos wala ka namang gagawin? Makakain ba namin ang lungkot mo? Mababayad ba ‘yan sa Meralco, o maipapambaon sa mga anak?” pahayag ng tagapangulo ng KMU na si Jerome Adonis.

“Tanging isang nakabubuhay na sahod na ₱1,200 sa buong bansa ang makapagbibigay ng disenteng pamumuhay sa mga manggagawa,” pahayag ni Charlie Arevalo, tagapagsalita ng UWIN. Maliban sa dagdag sahod, nanawagan rin ang UWIN sa gubyerno na ibaba ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, ibasura ang mga batas na nagbibigay-laya sa walang habas na pagtaas ng presyo, at suportahan ang mga lokal na industriya.

“Bongbong, bistado ka na sa pagpapapogi mo. Wala pang isang linggo mula SONA, hinubad mo na agad ang maskara,” ayon kay Adonis. Aniya, malinaw na walang maaasahang pagkukusa sa gubyerno ang manggagawang Pilipino upang tiyakin ang karapatan sa nakabubuhay na sahod. Nanawagan ang KMU sa mga manggagawa na igiit ang makabuluhang dagdag sahod sa pangangalampag, sa pagpuprotesta, hanggang sa pagwewelga.

The post Pagharang ng korte sa karampot na dagdag-sahod sa NCR, kinundena sa protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.