Nagpahayag ng pakikiisa ang Kalikasan People’s Network for the Environment sa laban ng mga katutubong Tagbanua na manatili sa kanilang lupang ninuno sa Puerto Princesa, Palawan. Ayon sa grupo, makatarungan ang kanilang pakikibaka, na likas na nakaugnay sa pangangalaga at pagpapahusay ng kalikasan.

Noong Hulyo 30, bandang 9:00 a.m., nagulat ang komunidad ng mga Tagbanua sa presensya ng Anti-Squatting Task Force sa kanilang kabahayan. Ayon sa mga residente, hindi dumaan sa barangay ang kautusan na inilabas ng upisina ni Mayor Lucilo Bayron. Dahil sa kanilang pagtutol, isinusipinde ng lokal na ahensya ang planong demolisyon matapos utusan ng Commission on Human Rights (CHR)–Region 4B ang meyor na ipagpaliban muna ang demolisyon. Ayon sa ahensya, hindi nabigyan ng pagkakataong marinig ang boses ng mga katutubo at walang sapat na panahon na ibinigay sa mga residente bago ang clearing operation, na labag sa Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA). Tinatayang nasa 30 kabahayan sa Sitio Tagaod at Sitio Impapay ang nakatakdang gibain dahil itinuturing umanong ilegal na istruktura sa PFFWR.

Ayon sa grupong Kalikasan, ipinakikita ng karanasan ng mga Tagbanua na katotohanan na bago pa man nagtakda ang gubyerno ng mga reservation at protected area boundary, matagal nang naninirahan at nag-alaga ang mga katutubo sa lupang ninuno. Sa kabila ng may mga batas kaugnay sa pag-aari ng mga katutubo sa kanilang lupa, nagagawa pa ring laktawan ang mga ito ng pwersa ng estado. Kulang ang pagtatanggol sa kanilang kolektibong karapatan. Kahit ang suspensyon ng demolisyon at ipinanawagan ng CHR–MIMAROPA at provincial NCIP ay pansamantalang lamang at hindi tunay na pagpigil sa paglabag sa mga karapatan ng mga katutubo.

Ani ng grupo, itinatampok ng piling pagpapatupad ng “pangangalaga sa kalikasan” ang pagkukunwari sa likod ng demolisyon. Habang inaakusahan ang mga Tagbanua na sumisira sa kalikasan, patuloy namang inaaprubahan ng estado ang malalaking proyektong extractive na may higit na malala at di na maibabalik na pinsala sa ekolohiya. Sa Palawan mismo, pinahintulutan ng DENR ang Berong Nickel Project na magpuputol ng mahigit 218,000 puno—isang banta sa kagubatan at biodiversity ng lalawigan na di hamak na mas malala kaysa sa patuloy na presensya ng komunidad ng katutubong matagal nang nagpoprotekta sa lupang ito.

“Malinaw na ang pakikibaka para sa pangangalaga sa kalikasan ay mahigpit na nakaugnay sa pakikibaka para sa karapatan ng mga katutubo. Walang tunay na preserbasyon ang magaganap habang inaagaw ang mga lupang ninuno, pinalilikas ang mga komunidad ng katutubo, at isinasailalim ang kanilang mga karapatan sa interes ng estado at ganansya ng korporasyon,” ani ng grupo.

Nananawagan ang Kalikasan sa agarang pagbawi sa Memorandum Order No. 315, sa tuluyang pagtigil sa anumang demolisyon o sapilitang pagpapalikas sa komunidad ng Tagbanua, at sa ganap na pagkilala at proteksyon sa kanilang karapatan sa lupang ninuno.

The post Mga katutubo, pinalalayas sa sariling lupa ng Palawan LGU appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.