Tahasan binatikos ng National Democratic Front (NDF)-Palawan ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Tinawag nitong “kahungkagan at pasakit” ang mga ipinagmamalaking tagumpay ng administrasyon para sa mamamayang Palaweño.

Sa isang upisyal na pahayag, inisa-isa ng NDF-Palawan ang mga dahilan kung bakit kailangang itakwil ng masang Palaweño ang kanyang rehimen. Anito, ibayong kahirapan ang nararanasan sa prubinsya, taliwas sa “mababangong tagumpay” na ibinida ng pangulo.

Binigyang-diin ng rebolusyonaryong grupo ang matinding hambalos ng krisis sa ekonomya na lalong nagpahirap sa mga Palaweño dahil sa monopolyo ng mga kapitalistang kumpanya ng langis. Umabot sa mahigit ₱140 kada litro ang diesel sa prubinsya noong Abril na nagbunsod ng 20.8% pagtaas sa pamasahe. Bumilis nang 5.5% ang implasyon sa isla, kung saan pinakatampok ang 13.6% pagtaas sa presyo ng bigas.

Kasabay nito, binatikos din ang palpak na serbisyo ng kuryente sa prubinsya kung saan 59% pa lang ang naaabot ng linya ng Palawan Electric Cooperative (Paleco). Sa kabila nito, ang Busuanga Island Electric Cooperative Inc (Bisleco) ang nananatiling may pinakamataas na singil sa buong bansa na nagkakahalaga ng ₱24.92/kWh. Habang nagpapatuloy ang brownout, hinuhuthot naman umano ng Prime Energy ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon ang Malampaya natural gas field para sa sarili nitong negosyo sa halip na pakinabangan ng masang Palaweño.

Kinundena rin ng grupo ang napakababang pasahod sa prubinya. Napakalayo ng ₱455 na minimum na sahod sa Palawan sa family living wage sa MIMAROPA na nasa ₱1,304 noong Hunyo. Binatikos rin nito ang mga pangkunswelong programa ni Marcos Jr.

“Hindi nakakarating sa mga liblib na lugar at komunidad ng mga katutubo sa Palawan ang ipinagyayabang ni Marcos na ‘bente bigas meron na.’ Nakakonsentra lang ito sa Puerto Princesa at Narra,” anito.

Pandarambong at pinsala sa kapaligiran at mamamayan

Ayon sa NDF-Palawan, pinatunayan ni Marcos Jr ang pagiging “hari ng korapsyon” dahil walang napanagot sa mga anomalya ng mga ghost at overpriced flood control projects (FCP). Halimbawa ng mga kinurakot ang proyektong flood control sa Barangay San Pedro sa Puerto Princesa. Samantala, pinababayaan lamang ng rehimen ang mga bayan sa timog bahagi ng prubinsya na madalas bahain dahil sa operasyon ng mga mina.

Lantaran ding ipinagbibili ng rehimen ang likas na yaman ng Palawan sa mga dayuhang korporasyon ng mina tulad ng Ipilan Nickel, Coral Bay Nickel, at Rio Tuba Nickel sa pamamagitan ng CREATE Law at pagpapalawig ng 99-taong pag-upa sa lupa, anito. Nagresulta ito sa matinding rekonsentrasyon ng lupa at pangangamkam sa mga lupang ninuno ng mga katutubong Molbog at Cagayanen sa Bugsuk Island pabor sa San Miguel Corporation at pamilya Cojuangco.

Pambala sa kanyon ng US laban sa China

Sa usaping heyopulitika, mariing tinuligsa ng NDF-Palawan ang paggamit ng rehimen sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) upang isubo ang mga Palaweño alinsunod sa interes at mga plano ng US laban sa China.

“Ipinapain ni Marcos Jr ang mga Palaweño sa usapin sa West Philippine Sea upang magsilbi sa niluluto ng US na gera laban sa China. Habang panay ang pagpapalaki ng rehimen sa usapin ng presensyang militar ng China sa WPS… hinahayaan naman ng rehimen ang mga barkong pandigma at aircraft carrier ng US na pumalaot sa WPS at palawakin ang mga EDCA sites sa katimugang Palawan at Ulugan Bay,” pahayag ng NDF-Palawan.

Nagbigay-babala ang grupo sa mamamayan na kapag sumiklab ang digmaan ng dalawang imperyalistang bansa, ang Palawan ang gagawing launching pad at ang mga Palaweño ang magiging “pambala sa kanyon.”

Dahil sa mga matitinding krisis na ito, nanawagan ang NDF-Palawan sa masang Palaweño na itakwil ang rehimeng US-Marcos at paigtingin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan.

The post Pagtatakwil sa rehimeng US-Marcos, panawagan ng NDF-Palawan sa masang Palaweño appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.