Hindi pa nakatayo ang “Pax Silca AI hub, pinaglalawayan na ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang magiging kita mula rito na aniya’y dapat mapunta sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa gitna ito ng matinding batikos ng mamamayan sa proyekto, kabilang ang mga magsasaka at katutubong mapalalayas sa lugar kung saan itatayo ang engklabo.
Binatikos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) International Office ang pagkukumahog ni Teodoro na akuin ang kita ng anti-mamamayan, mapanira, mapandambong at militaristang engklabo.
Ayon kay Marian Espinosa, kinatawan ng NDFP International Office, ipinapakita lamang ng pahayag ni Teodoro na ang tunay na layunin ng rehimeng Marcos Jr ay gamitin ang yaman ng bansa para sa pasismo at paghahanda sa digmaan ng US. Itinuturing ng NDFP na isang malaking insulto sa mga Pilipino ang planong ito.
“Sa pagdedeklara na dapat mapunta ang kita (ng Pax Silica hub) sa AFP, kinumpirma ni Teodoro ang matagal nang alam ng marami na ang Pax Silica ay hindi para lumikha ng trabaho para sa mga Pilipino na ipinagmalaki ni Marcos Jr sa kanyang huling SONA, kundi para lumikom ng pondo para sa gera at militarisasyon,” ani Espinosa.
Inugnay ng NDFP ang usapin sa madugong rekord ng AFP sa kanayunan, pinakahuli sa naganap na labanan sa Naujan, Oriental Mindoro sa pagitan ng militar at Bagong Hukbong Bayan. Ayon sa mga ulat, hayagang nag-post ang 203rd IB sa social media ng mga larawan ng mga napatay na mandirigma bilang kanilang mga “tropeo ng digmaan” sa isang malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa prinsipyo ng makataong pagtrato sa mga patay. Nagdulot din ng takot sa mga sibilyan ang pagtatayo ng mga tsekpoynt ng militar sa buong bayan matapos ang engkwentro.
“Ang kawalan ng hiya nina Teodoro at Marcos Jr sa paggiging tuta sa kanilang mga Amerikanong amo ay hindi lamang makikita sa kanilang mga pagsisikap na huthutin ang mga rekurso para sa kapakinabangan ng AFP, kundi pati na rin sa agresibong pagpapalawak ng mga war games at pagsasanay militar sa nakalipas na mga buwan,” dagdag ni Espinosa.
Ayon sa NDFP, direktang inilalagay sa panganib ang mga sibilyan ng paggamit ng mga live ammunition, missile system, at iba pang sandata sa mga war games na ito.
Hinimok ng NDFP ang sambayanan na huwag hayaang mapunta sa kamay ng estado at ng imperyalismong US ang pinaghirapan ng masang Pilipino.
“Hamon sa mamamayang Pilipino na itakwil ang anumang panukala na iimbudo ng yaman mula sa ating lakas-paggawa, lupa, at mga likas na yaman tungo sa kamay ng pasistang AFP at ng mga imperyalistang amo nitong Amerikano.”
The post Kita mula sa anti-mamamayang “Pax Silica AI Hub,” pinaglalawayan ng AFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

