Hinamon kahapon, Agosto 1, ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang rehimeng Marcos na patunayan sa pamamagitan ng konkretong aksyon ang pahayag ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen Sarmiento na bukas ang gubyerno nito sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Juliet De Lima, tagapangulo ng NDFP Peace Negotiating Team, hindi maaring simpleng magsalita lamang ang GRP tungkol sa usapang pangkayapaan, habang ipinagpapatuloy ang mga patakaran na sumisira sa mga kundisyon para makatotohanang muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan.

“Para magkaroon ng isang ‘mutwal na adyenda’ tulad ng ipinapanukala ni Secretary Sarmiento, dapat munang iwaksi ng GRP ang idineklara nitong adyenda ng kapitulasyon at pagsuko ng rebolusyonaryong kilusan,” ayon kay de Lima.

Ang tunay na negosasyong pangkapayapaan ay nakabatay sa pagkilala na nakaugat ang armadong labanan sa malalim na mga usaping panlipunan, pang-ekonomiko, at pampulitika, aniya.

“Walang makabuluhang usapang pangkapayapaan kung ang isang panig ay wala-sa-panahong humihingi ng pagsuko ng kabila,” ayon kay de Lima.

Sinabi niyang dapat hindi ituring ng GRP ang negosasyon bilang isang instrumento para sa ‘demobilisasyon at pagdidisarma’ sa Bagong Hukbong Bayan, sa halip na isang proseso para lutasin ang mga ugat ng digmaang sibil.

Kung wala ito, dagdag niya, ang deklarasyon ng GRP ng pagiging bukas ay mananatiling hungkag at hindi kapani-paniwala.

Upang maging makabuluhan ang muling pagbubukas ng usapan, dapat palayain ng GRP ang mga nakakulong na mga peace consultant at daan-daang bilanggong pulitikal. Bukod dito, dapat umanong kilalanin ng gubyerno ang mga nakaraang kasunduan na nilagdaan sa loob ng mahigit tatlong dekada.

“Kung hindi kikilalanin ang mga nakaraang kasunduan, ang mga kasunduang pipirmahan niya ay walang magiging halaga sa hinaharap, at magiging palabas lamang ang negosasyong pangkapayapaan para magpasikat sa pulitika,” babala ni De Lima.

Kinwestiyon din ng NDFP ang katapatan ng GRP dahil sa magkakasalungat na pahayag ng mga upisyal nito. Habang nagpahayag si Sarmiento ng “pagiging bukas,” mariin naman itong tinututulan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro at iba pang militaristang upisyal ang usapang pangkapayapaan para resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian.

Gayundin, habang ipinagpalagay ng NDFP na upisyal na tindig ng gubyernong Marcos ang mga salita ni Sarmiento, nananatili ang mga patakaran nito na tumuturing sa Partido Komunista ng Pilipinas, sa BHB at sa NDFP mismo bilang mga “teroristang organisasyon.”

“Ang patuloy na pagtatatak sa isang panig bilang ‘terorista,’ at ang pagsasailalim sa mga pinaghihinalaang myembro at tagasuporta ng panig na ito sa pagmamanman, panghaharas, at pag-uusig ay sumusira sa mga kundisyon para sa isang dayalogo,” ayon de Lima.

Karapat-dapat sa mamamayang Pilipino ang isang makatarungan at matagalang kapayapaan na tumutugon sa mga suliranin ng malawakang kawalan ng trabaho, kawalan ng lupa, at kahirapan,” pahayag ni De Lima. “Ang gayong kapayapaan ay hindi lilitaw mula mga pagtutulak ng pagsuko, sa patuloy na pagkukulong sa daan-daang bilanggong pulitikal, o sa militaristang pag-iisip ng mga utak-gyera sa loob ng GRP.”

The post Hinamon ng NDFP ang GRP na ilunsad ang tunay na usapang pangkapayapaan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.