Huwag hayaan ang “crocodile tears” ng mga nasa kapangyarihan.
![]()
Dahil napaluha siya, makabagbag-damdamin para sa unang ginang ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo noong Hulyo 27. Kung sabagay, nakakaiyak naman talaga dahil marami siyang hindi sinabi.
Kumusta ang panawagang taasan ang sahod ng mga manggagawa? Ano ang tindig ng pangulo tungkol sa tunay na repormang agraryo para sa mga magsasaka, pati na sa pagkilala sa lupang ninuno ng mga katutubo?
Kahit na may mga binanggit siya tungkol sa ilang planong pababain ang buwis at singil sa kuryente, hindi ba’t mas mainam na sagutin muna ang matagal nang panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan? Aanhin ang kakarampot na ginhawa kung hindi pa rin komportable ang pangkabuuang kalagayan?
Bukod sa pera, nariyan din ang problema ng kawalang katiyakan kaya nananatiling pangarap ang magandang buhay para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Sa kabila ng retorika ng pagpapataas ng posibleng mautang mula sa gobyerno para magkaroon ng sariling bahay, mistulang “bahala na kayong magbayad” ang mensahe ng pangulo sa panahong talamak ang kontraktuwalisasyon kaya hindi sigurado kung may trabaho pa makalipas ang ilang buwan. At kahit na permanente naman sa trabaho, babalik pa rin sa isa pang pundamental na problema ng mababang sahod.
Halimbawa, ang mga posisyong entry level na Teacher 1 sa programang K-12 at Instructor 1 sa kolehiyo ay may buwanang suweldong mahigit P30,000 (kung nagtatrabaho sa pampublikong paaralan). Tinatayang mas mababa pa ang suweldo kung nasa mga pribadong paaralan sila.
Ito ang dahilan kung bakit may panawagang pataasin ang mga buwanang sahod sa mga ganitong entry level na posisyon sa P50,000. Malaking tulong ang mas mataas na sahod para kahit paano’y makahinga sa nakalulunod na gastusin. Siyempre’y kailangan ding bigyang dangal ang propesyong marangal!
Pero minsa’y kailangan ding pag-isipan kung gaano katagal makasasapat ang sahod kahit na tumaas ito. Sa gitna ng implasyon, hindi ba’t kailangang mayroon ding ginagawa ang gobyerno? Hindi lang dapat simpleng ayuda na kadalasang pinopolitika’t ginagamit sa halalan. Hindi lang dapat pautang na malaking palaisipan kung paano mababayaran.
Kailangan ng pangmatagalang solusyon, lalo na ngayong nararamdaman ang hagupit ng kasalukuyang agresyon ng Estados Unidos at Israel sa Iran na nagreresulta sa mas mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Bakit ayaw ng pangulong ibasura ang Downstream Oil Deregulation Act of 1998 para muling makontrol ang presyo at mapigilan ang pagkamal ng tubo ng mga pribadong korporasyon? Ang anumang sagot ay malamang uulitin lang sa panawagan ng iba’t ibang indibidwal at grupo na ibasura din ang Electric Power Industry Reform Act (Epira) of 2001 na nagresulta sa pagsasapribado at deregulasyon, lalo na sa buwanang sinisingil sa mga residente.
Tama bang matuwa sa panawagan ng pangulong tanggalin na ang systems loss charge na kadalasang bumubuo ng mahigit 5% ng kabuuang sinisingil? Tandaang hindi ito sapat dahil ang problema ay pundamental.
Kailangang kontrolin ang presyo ng kuryente para matigil ang pagsasamantala ng mga pribadong korporasyon, pati na ang ganansiyang nakukuha ng gobyerno sa pamamagitan ng mga ipinataw na buwis sa kuryente. Kung susuriin ang electric bill ng Meralco, halimbawa, ang Government Taxes ay mahigit 9% ng buwanang singil.
Sadyang malaki ang pakinabang sa kasalukuyang sistema ng deregulasyon at pribatisasyon hindi lang ng mga pribadong korporasyon kundi ng mismong gobyerno. Ito ang magpapaliwanag kung bakit ang retorika ng pagbabago mula sa bibig ng pangulo ay barya-baryang reporma, hindi matagala’t malalim na pagbabago.
Huwag hayaan ang “crocodile tears” ng mga nasa kapangyarihan. Sa gitna ng nakakaiyak na sitwasyon ng mga pinagkakaitan, patuloy na igiit ang nararapat. Huwag lang umiyak. Lumaban. #
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/
The post Iyak appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


