Naglunsad ng public scoping ang Luzon Cleanergy Generation Inc., isang subsidiary ng Aboitiz Renewables, noong Hulyo 22 sa Bangui Municipal Auditorium sa Barangay San Lorenzo para sa planong 136-megawatt na Bangui 2 Wind Power Project.

Ang public scoping ay isang panimulang hakbang sa proseso ng pag-aalam ng Environmental Impact Assessment (EIA) kung saan iniimbitahan ang publiko at mga apektadong sektor para magbigay ng komento, tanong, at mungkahi tungkol sa isang panukalang proyekto.

Sasaklawin ng proyekto ang 3,321 ektarya sa pitong barangay sa Bangui,-ang Abaca, Bacsil, Malasin, Masikil, Manayon, Nagbalagan Payac, at San Lorenzo. Tinatayang aabot sa $136.37 milyon (₱8.4 bilyon) ang halaga ng windfarm.

Bahagi ang naturang wind farm ng pagpapalawak ng saklaw sa renewable energy ng AboitizPower, na naglalayong maabot ang 4,600 megawatts na generation capacity pagsapit ng 2030 sa pamamagitan ng pamumuhunan sa wind, solar, hydro at geothermal na mga proyekto.

Ito ang ikalawang proyektong renewable energy ng Aboitiz sa prubinsya ng Ilocos Norte, kasunod ng malawakang kinukundena na BuhaWind offshore wind project sa Bangui Bay. Kasabay nito, itinatayo ng AboitizPower ang Phase 2 ng Olongapo Solar Power Project na tinututulan ng mga grupong pangkalikasan at katutubo dahil sa pangambang masisira ang watershed at mapapaalis ang mga komunidad ng Ayta dahil sa proyekto.

Ipinapakita ng mga pagtutol na ito ang mas malawak na padron sa Hilaga at Gitnang Luzon, kung saan maraming proyektong renewable energy—kabilang ang wind, solar at hydropower—ang humaharap sa mariing pagtutol mula sa mga magsasaka, mangingisda at katutubo dahil sa takot sa pagkaubos ng kagubatan, pagkasira ng watershed, pagliit ng sakahan, banta sa saribuhay at abala sa tradisyunal na kabuhayan.

Habang isinusulong ng rehimeng US-Marcos at mga power developer ang renewable energy upang “palakasin ang energy security” , iginiit ng mga apektadong komunidad na hindi dapat isakripisyo ang lupang ninuno, produksyon ng pagkain at mga sensitibong ekolohikal na lugar sa ngalan ng “malinis” na enerhiya.

The post Panibagong windfarm sa Ilocos Norte, minamadaling itayo ng kumpanyang Aboitiz appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.