Inihayag ng kumpanya sa enerhiya na ACEN Corporation ang kahandaan nitong suplayan ng enerhiya ang mapangwasak na artificial intelligence o AI hub sa New Clark City sa Tarlac sa balangkas ng Pax Silica ng US. Ang korporasyon, na pag-aari ng mga Ayala, ay isa sa pinakaagresibong naglalatag ng mga proyektong renewable energy na nagpapalayas sa mga komunidad ng magsasaka at katutubong mamamayan.
Ang AI hub ay itatayo sa 1,620-ektaryang lupa sa bayan ng Capas na kinamkam mula sa mga Aeta at magsasaka. Kabilang sa mga itatayo sa hub ang mga pasilidad sa teknolohiya at mga data center na tinatayang mangangailangan ng suplay na 3-gigawatts ng enerhiya.
Ayon kay Eric Francia, pangulo at CEO ng ACEN, mayroon na itong naisagawang paunang pagpupulong kasama ang mga magtatayo ng AI hub. Kaugnay nito, inihayag ng Department of Energy na naghahanda ito ng borador na sirkular kaugnay sa suplay ng eherhiya ng engklabo. Pumapabor ang ahensya sa pagtatayo sa Capas ng aktwal na mga istrukturang magsusuplay ng enerhiya sa buong proyekto.
Anang ACEN, posible nitong gamitin ang wind energy, solar energy o direktang pagkonekta sa pambansang grid. Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang maraming grupo na lalamunin ng AI hub ang malaking suplay ng kuryente ng bansa na makapipinsala sa makitid nang suplay para sa mga karaniwang konsyumer.
Ang pangwawasak ng ACEN
Katumbas ng pagbubukas ng mga bagong suplay ng enerhiya ay ang pagpapalayas at pangwawasak ng ACEN sa mga komunidad ng magsasaka, katutubong mamamayan at mga kagubatan. Kabilang dito ang itinatayo nitong mga proyektong solar at battery storage sa Zambales na tinatayang aabot ng 1-gigawatt ang maisusuplay na kuryente.
Isa rin sa proyekto ng ACEN ang 247-megawatt Banahaw Wind Power Project (WPP) sa Sariaya at Tayabas City, Quezon. Kamakailan, napaatras ng matinding panawan ng mamamayan ng Quezon ang planong proyekto ng subsidyaryo ng ACEN na GigaWind4, Inc.
Saklaw ng proyekto ang 4,567 ektarya sa hangganan ng Sariaya, Quezon at sa mga barangay ng Alitao, Anos, Baguio, Bukal Ibaba, Bukal Ilaya, Calantas, Calumpang, Gibanga, Ipilan, at Malaoa sa Lungsod ng Tayabas. Sa 38 wind turbine generators (WTG), 28 ang itatayo sa loob ng 3-kilometrong radius ng Mount Banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL), habang ang natitira ay itatayo sa loob ng 10 kilometro mula sa “heritage and cultural site” ng Lungsod ng Tayabas.
Sa loob ng maraming taon, walang tigil ang mga residente, mga organisasyong sibiko, at mga tagapagtanggol ng kalikasan sa pagkundena sa planong windfarm at para sa mas mahigpit na proteksyon sa Bundok Banahaw.
Nasa likod rin ang ACEN ng hindi bababa sa limang mapangwasak na proyektong offshore wind farm. Ginagamit nito ang iba’t ibang subsidyaryo para isagasa ang mga proyekto.

The post Kumpanya ng mga Ayala, nagprisintang magsuplay ng kuryente sa “Pax Silica hub” sa Tarlac appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

