Dalawang magkahiwalay na yunit ng 19th IB ang binigwasan ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Eastern Visayas (Efren Martires Command) sa Samar at Northern Samar noong ikatlong linggo ng Hulyo. Tatlong pasistang tropa ang kumpirmadong napatay habang may ilang naiulat na nasugatan.
Noong Hulyo 19, isang elemento ng 19th IB ang napatay matapos paputukan ng isang Pulang mandirigma ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) sa Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos, Northern Samar. Sa ulat ng yunit, naganap ang armadong aksyon ng alas-4 ng madaling araw.
Ayon sa pamprubinsyang kumand, nasa baryo ang maliit na yunit nito para sa gawaing masa at para gabayan ang komunidad sa pagharap sa pananalanta ng mga nagkakampong sundalo. Sa salaysay ng Pulang mandirigma, nauna siyang nakapapamutok laban sa tropa ng 19th IB na nakapusisyon para siya ay ambusin.
Dahil sa opensibong postura at pagiging alerto, napatay niya ang isang sundalo. Ayon sa mga residente, noong umaga ng Hulyo 20 ay dumating ang isang helikopter sa erya para kunin ang bangkay ng sundalong napatay.
Noong Hulyo 17, nauna ring nakapagpaputok ang isang yunit ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) nang makaengkwentro nito ang 15-sundalong yunit ng 19th IB sa pagitan ng Barangay Balud, Silvino Lobos at Barangay San Roque, Matuguinao sa Samar. Naganap ang labanan ng alas-10 ng umaga.
Gumamit ng helikopter ang mga sundalo para kunin ang mga bangkay ng napatay na mga pasista. Nagbagsak rin ito ng karagdagang tropa para tugisin ang nakaalpas na yunit ng BHB. Kaugnay nito, sapilitang ipinatawag ng 19th IB ang mga tagabaryo para kwestyunin kung bakit hindi naiulat sa kanila ang presensya ng BHB. Isinisi ng 19th IB ang sarili nitong kainutilan at pagkatalo sa mga sibilyan.
Ayon sa BHB-Eastern Visayas, ang mga armadong aksyon ng mga yunit nito ay patunay na bigo ang rehimeng Marcos at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kampanyang paglipol sa hukbong bayan. Mula Hunyo, sunud-sunod na idineklara ng rehimeng Marcos at ng AFP ang mga bayan ng Samar at Northern Samar bilang Stable Internal Peace and Security (SIPS) o “malaya na sa insurhensya.”
“Patunay ang mga ito na sa kabila ng matinding militarisasyon sa mga komunidad at pasistang terorismo ng estado, hindi ganap na mapuputol ang ugnayan ng BHB at masa,” ayon kay Ka Karlos Manuel, tagapagsalita ng panrehiyong kumand. Aniya, hangga’t nananatili ang pang-aapi at pagsasamantala ay laging may puwang para umusbong ang rebolusyonaryong paglaban ng masa at suportahan nila ang armadong pakikibaka ng BHB.
The post Tropa ng 19th IB, binigwasan ng BHB sa Eastern Visayas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

