Kinumpirma ng kapitan ng Barangay O’Donnell, Capas, Tarlac ang nakatakdang pagpapalayas ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa hindi bababa sa 92 na mga magsasaka at kanilang pamilya mula sa lupang sasaklawin ng 1,620-ektaryang proyekto sa ilalim ng Pax Silica. Ayon kay Barangay Captain Wendelle Mercado, “pinayuhan” na ng BCDA ang mga ito na umalis sa komunidad.
Naipamahagi na umano sa mga magsasaka ang abiso ng BCDA ngunit marami sa mga ito ang umaalma at naninindigan para sa kanilang mga karapatan. Humihingi ang mga magsasaka ng maayos na paliwanag, plano ng paglilipatan sa kanila at karampatang kumpensasyon sa kanilang lupa at kabuhayan.
“Pumupunta po sila sa barangay at nangangamba sa kanilang kabuhayan. Sinukat na ang lupa pero hindi pa malinaw kung saan sila pupunta,” pahayag ni Mercado sa panayam sa CLTV36. Ang mga lupang kinakamkam ay maituturing na mga produktibo at pang-agrikultura ayon sa kapitan.
Sa ulat ng alternatibong midya na Pokus Gitnang Luzon, ibinahagi ng mga residenteng nakapanayam nito na nagbahay-bahay na ang mga kinatawan ng BCDA bago pa ang isang konsultasyon sa barangay noong Hulyo 24. Ipinaliwanag umano sa kanila na kabilang ang buong Sitio Binyayan sa mga lugar na maaapektuhan ng Pax Silica.
Ayon sa mga residente, batay sa isinagawang sensus, tinatayang humigit-kumulang 500 pamilyang Aeta ang naninirahan sa Sitio Binyayan, bukod pa sa mga magsasaka at manggagawang hindi katutubo ngunit matagal nang residente.
Inengganyo na rin ang limitadong bilang ng mga Aeta ng kumpensasyong ₱300,000 kada ektarya, ngunit hanggang limang ektarya lamang ang sasaklawin nito. Ayon sa BCDA, kung babayaran ang halaga ng lupa ay hindi na nito babayaran ang halaga ng pananim. Para sa mga residente, lagpas sa halaga ng kumpensasyon ang kanilang hinaing kundi ang pundamental na isyu ng pangangamkam sa kanilang lupang ninuno.
Katulad ng paninindigan ng mga magsasaka at katutubong Aeta ng Capas, iginigiit ni Mercado na dapat tiyakin ang kapakanan ng mga maaapektuhan ng proyekto. Nauna nang nanindigan ang BCDA na pag-aari ng ahensya ang lupang sakop ng proyekto at may kaukulang titulo.
Ang AI-hub ng Pax Silica ay itatayo sa saklaw na lupa ng New Clark City na pinatatkbo ng BCDA. Ang ahensya ay itinatag sa bisa ng Republic Act No. 7227 na kilala rin bilang Bases Conversion and Development Act of 1992. Itinalaga ito para sa pagpapalit-gamit at pagbebenta sa mga dating base militar ng US sa bansa. Kaugnay ng batas nilabas ang Presidential Proclamation No. 163 ng nagtatag sa Clark Special Economic Zone. Sinaklaw ng pagpapatupad nito ang mga lupang ninuno sa Tarlac.
The post 92 magsasaka sa Tarlac, pinalalayas ng BCDA para sa AI-hub ng Pax Silica appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

