Pansamantalang napatigil ng protesta ng mga estudyante ng De La Salle University (DLSU)-Manila ang talumpati ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa isang porum sa kampus noong Hulyo 30. Panawagan ng mga estudyante ang pagpapanagot kay Remulla sa pasistang mga hakbang nito bilang kalihim.
“Walang malugod na pagsalubong para sa mga pasista. Jonvic Remulla, isa kang pekeng Lasalyano! Literal na walang may gusto sa’yo rito,” pahayag ni Liway Molines, tagapagsalita ng Anakbayan Vito Cruz, balangay na nakakasaklaw sa DSLU. Nag-aral si Remulla ng elementarya sa DLSU.
Ayon pa kay Molines, katawa-tawa at isang malaking kahihiyan para sa mga Lasalyano ang katulad ni Remulla. Pinapanagot nila ang kalihim sa pag-uutos nito sa Philippine National Police (PNP) sa brutal at marahas na pagbuwag sa mga protestang kontra-korapsyon noong Setyembre 21, 2025 sa Mendiola. Namatay sa brutalidad ng pulis ang isang manggagawa habang 277 ang inaresto kabilang ang 91 menor-de-edad.
Siningil din nila ang kalihim sa karahasan ng mga pulis sa kamakailang protestang SONA ng bayan kontra state of the nation address ni Ferdinand Marcos Jr sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Dinampot ng PNP ang hindi bababa sa 51 indibidwal.
Kaugnay ng presensya ni Remulla sa kampus, nanawagan ang Anakbayan-Vito Cruz sa mga Lasalyano na huwag hayaang magpatuloy ang pagpasok ng mga pasistang tulad ni Remulla sa unibersidad. “Ang ating mga hinaing ay hindi matutugnan ng pinalawig pang pamumulis o panunupil sa mga nagsasalita,” pahayag ni Molines.
Nagpahayag ng suporta ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa mga estudyanteng Lasalyano na nagprotesta at tumindig kay Remulla. Anang grupo, ang pagkilos ay lehitimong paggamit ng demokratikong karapatang magpahayag, magtipon, at maningil ng pananagutan sa mga nasa kapangyarihan.
“Ang unibersidad ay lunsaran ng malayang pag-iisip, kritikal na diskurso, at sama-samang pagkilos para sa bayan, hindi plataporma para sa mga kinatawan ng pasismo at panunupil,” anito.
The post Talumpati ng kalihim ng DILG sa DLSU, sinalubong ng protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

