Natulak ang lokal na gubyerno ng Capas, Tarlac na tumindig laban sa panggigipit at paghihipit na ipinapataw ng Philippine Air Force (PAF) sa mga komunidad ng Aeta sa palibot ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB), isang reserbasyong militar, sa Barangay Sta. Juliana. Kamakailan, nagprotesta ang 3,000 residente laban sa pagbabawal ng militar sa pagtatayo at pagkumpuni ng kanilang mga bahay, paghihigpit sa suplay ng tubig at kuryente, at panggigipit kahit sa mga aktibidad ng lokal na gubyerno sa erya. Ang mga ito ay isinagawa sa utos ng kumander ng 790th Air Base Group ng PAF Air Installation and Base Development Command na si PAF Lt. Col. Owen M. Avenido.
Ang mga panggigipit ay kaugnay ng planong pagtatayo ng Joint Training Complex sa Crow Valley Military Complex at CERAB para sa mga pasilidad-militar at bilang tuluy-tuloy na lunsaran ng mga war game gaya ng taunang Balikatan war games ng US. Alinsunod sa plano, buo-buong paalisin ang mga residente sa kabuuang 18,000 ektaryang lupain ng military complex sa mga barangay ng Sta. Juliana, O’Donnel (Patling), at Sta.Lucia.
Dahil sa mga paghihigpit na ito, naglabas ng resolusyon ang konseho ng Capas na nagdedeklarang “persona non grata” si Lt. Col. Avenido. Isa itong pormal na pagpapahayag ng kanilang pagkundena sa upisyal na itinuturing nilang nakapipinsala sa interes o kapakanan ng komunidad. Ito ay hiniling mismo ni Capas Mayor Roseller Rodriquez mula sa konseho dahil sa pagbabawal na makapasok sa barangay ang mga ahensya para sa mga aktibidad at serbisyo sa mga komunidad.
Kasunod ang deklarasyon sa kilos protesta ng mahigit 3,000 Aeta at mga residente ng Capas sa tsekpoynt ng CERAB noong Hulyo 14. Kinundena nila ang ipinapataw na mga hakbang ng PAF na nakaaapekto sa kanilang buhay at kabuhayan, at ang kaakibat nitong pagpapalayas sa kanilang lupang ninuno.
Ilang araw matapos ilabas ng lokal na gubyerno ang resolusyon, kaagad na ipinagtanggol ng PAF si Lt. Col. Avenido. Anito, buo ang tiwala ng PAF sa kumander. Malinaw na palatandaan ito ng pagkunsinti sa mga hakbang niyang mapanupil at kawalang pananagutan sa mamamayan at maging sa lokal na gubyerno.
Sa harap nito, tuluy-tuloy ang panawagan ng mga Aeta at residente na ibasura ang mga mapanupil na patakaran at wakasan ang pangangamkam sa kanilang lupang ninuno. Nangangamba rin ang mga komunidad sa Capas, Tarlac sa kasabay na pananalasa ng proyektong itatayo sa ilalim ng Pax Silica sa 1,620 ektarya ng lupa.
Ang mga ito ay isinasagasa sa Capas sa pangangasiwa ng Bases Conversion and Development Authority na itinatag sa bia ng Republic Act No. 7227 na kilala rin bilang Bases Conversion and Development Act of 1992. Itinalaga ang ahensya para sa pagpapalit-gamit at pagbebenta sa mga dating base militar ng US sa bansa. Kaugnay ng batas nilabas ang Presidential Proclamation No. 163 ng nagtatag sa Clark Special Economic Zone. Sinaklaw ng pagpapatupad nito ang mga lupang ninuno sa Tarlac.
The post Lokal na gubyerno ng Capas sa Tarlac, pumalag sa panggigipit, paghihigpit ng PAF appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

