Lutang at di tutugon sa pangunahing problema ng mamamayan ng Eastern Visayas ang ibinahagi ng mga nangungunang lokal na burukrata ng Regional Development Council-Region 9 na Regional Development Report (RDR) 2025 noong Hulyo 2. Tulad sa katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr, hindi ito nagbunga ng pag-unlad. Puno ang ulat ng mga ilusyon, manipulasyon ng datos, at bigong pangako.

Noong 2025, kahit sa manipuladong datos ng gubyerno, lumago lamang ng 1% ang ekonomya ng Eastern Visayas. Malayo ito sa itinarget ng reaksyunaryong gubyerno na 6.5%-7.5% paglago. Malayo rin ito sa naitalang 6.8% nang magsimula ang termino ni Marcos noong 2022. Bunga ito ng lubos na pagliit ng sektor ng agrikultura at pangingisda na nagtala ng -1.3%. Isinisisi ito ng RDR sa pansamantalang pagsara ng San Juanico Bridge at pananalasa ng mga bagyong Tino at Uwan.

Ngunit ang pagbagal ng ekonomya ay hindi lamang dahil sa sektor ng agrikultura. Katunayan, noong 2024, 11% lamang ang bahagi nito sa ekonomya, samantalang humigit-kumulang 50% ang ambag ng sektor, na mula pa noong 2022 ay tuluy-tuloy nang humihina. Ganito rin ang kalagayan sa pambansang antas, na ayon sa Ibon Foundation. Tinukoy ng Ibon ang ay ang mas mahinang paggastos ng mamamayan, bunga ng kanilang maliit na kita, bilang dahilan ng mabagal na paglago ng ekonomya.

Sinasalamin ng pagbagsak ng agrikultura ang pagbagsak ng produksyon ng palay, kamoteng kahoy at niyog—tatlong mayor na produkto ng rehiyon. Kahit na malalawak ang mga palayan sa Eastern Visayas at pangunahing hanapbuhay dito ang pagsasaka, net importer pa rin ito ng bigas. Samantala, prinsipal na cash crop ang kopra pero hindi sapat ang kita dito ng mga magsasaka upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Bumagsak din nang 18% ang huli ng maliliit na mangingisda samantalang lumaki naman ang sa komersyal na pangingisda. Bunga na ito ng desisyon ng Korte Suprema na nagpahintulot sa malalaking komersyal na barko na mangisda sa 15-kilometrong municipal waters.

Bagsak din ang mga sektor ng industriya (-3.8%) at manupaktura (-9.6%). Itinuturong dahilan ang pagsara ng Philippine Associated Smelting and Refining Corporation sa Leyte kung saan 3,000 empleyado ang natanggal. Malaking bahagi ng tinatawag na “industriya” ay nasa konstruksyon, na hindi pangmatagalan at barat ang sahod.

Patuloy na nasasadlak ang Eastern Visayas sa kalagayang atrasagdo at kawalan ng pag-unlad. Likas ito sa lipunang malakolonyal at malapyudal at hindi maisisisi lamang sa kalamidad. Palatandaan pa ng ekonomyang nakatuon-sa-eksport at nakaasa-sa-import, bumagsak nang 53% ang halaga ng mga eksport ng Eastern Visayas samantalang lumobo nang 33% ang halaga ng mga import kumpara noong 2020.

Kawalang trabaho

Pinagmamalaki ng RDR 2025 na bumaba ang tantos ng kawalang trabaho at kakulangan ng trabaho kumpara noong 2021. Ngunit sa panahong ito, hindi naman tuluy-tuloy ang sinasabing “pagtaas” ng bilang ng mayroong trabaho.

Mas nagiging ilusyon lang na sapat ang trabaho kung titingnan ang labor force participation rate (LPFR). Mula 2021, tuluy-tuloy itong bumaba mula 63.2% patungong 60.3%. Ibig sabihin, habang lumalaki ang populasyon, lumiliit naman ang bilang ng nasa kwerpo ng lakas-paggawa. Kabilang sa mga dahilan ang pagliit nito ang kakulangan ng trabaho, pagkadismaya ng mga manggagawa sa sahod, o kapansanan. Kaya walang dapat ipagmayabang ang Northern Samar, na kahit na pinakamataas ang tantos ng empleyo (99.0%), pinakamababa naman ang LPFR (57.5%). Hindi dahil mataas ang tantos ng empleyo otomatikong lahat ay may hanapbuhay.

Mahal na bilihin, kulang na serbisyo

Sa kabila ng bagsak na agrikultura, nag-ambisyon ang rehimeng Marcos na magiging abot-kaya ang mga bilihin. Binida nito na noong 2025, naging pinakaistable ang presyo ng pagkain sa loob ng tatlong dekada dahil nasa 0.0% lamang ang tantos ng implasyon nito. Ngunit hindi ibig sabihin na mas mura na ang pagkain, sa halip ay mas mabagal lang ang pagmahal nito. At anumang “istableng presyo” noon ay nabawi lang din sa pagsabog ng digmaan sa Middle East at oil price shock ngayong taon, na nagpataas sa implasyon sa 8.7% nitong Abril.

Sa mga panlipunang serbisyo, ibinida rin ng RDR na lumaki ang nalikhang kuryente sa Eastern Visayas na mula sa renewable energy, kaya mas minamadali ang ₱33.39 bilyong halaga ng mga proyekto. Ngunit kahit wala pa ang bagong mga proyekto, higit pa sa sapat ang 3,482 gigawatt-hour (GWh) na kuryenteng nalilikha ng geothermal energy plant sa Leyte para sa 1,881 GWh na demand ng rehiyon. Pero dahil pribatisado, napupunta ang kuryente sa ibang rehiyon at hindi napakikinabangan ng mga lokal na konsyumer.

Sa kalusugan, kulang pa rin ang mga manggagawang pangkalusugan at mababa ang hospital bed-to-population ratio. Sa edukasyon, hindi nakamit ang mga target sa bilang ng enrollment at pagpapatapos ng mga mag-aaral ng elementarya, junior at senior high school. Sa kabila ito ng isinasaad ng RDR na tuluy-tuloy ang mga “sosyo-ekonomikong inisyatiba” sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force-Elcac, kung saan kabilang ang pagpapatayo ng mga klinik at klasrum para sa hindi bababa sa 200 barangay na “insurgency-free.” Mula pa noong 2021 ipinapatupad ang BDP sa Eastern Visayas.

—ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas

The post Eastern Visayas RDR 2025: Mga ilusyon at bigong pangako appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.