Binatikos ni Sarah Elago, House Assistant Minority Leader at kinatawan ng Gabriela Women’s Party, ang pahayag ng Meralco na magiging napakalaking pasanin sa mga kumpanya ng kuryente ang pag-alis ng system loss charge.

Ayon kay Elago, pinabubulaanan ito ng ₱26.5-bilyong consolidated core net income ng Meralco sa unang kalahati pa lamang ng 2026. Ipinakikita nito na kumikita nang malaki ang kumpanya habang ipinapasa sa mga konsyumer ang bahagi ng gastos sa mga operasyon nito.

Nagbababala noon si Manny Pangilinan, chairman at CEO ng MERALCO, na maaaring hindi “maka-survive” ang industriya ng kuryente kung sila ang pasasagutin sa singil sa system loss. Ayon sa ulat ng Energy Regulatory Commission (ERC), nakasisingil ang Meralco ng P30 bilyon mula sa mga konsyumer para sa system loss charge noong nakaraang taon, habang humigit-kumulang 70 porsyento ng kabuuang distribusyon ng kuryente sa bansa ay hawak ng naturang kumpanya.

“Hindi kapani-paniwala na isang kumpanyang kumita ng ₱26.5 bilyon sa loob lamang ng anim na buwan ang magsasabing hindi nito kayang akuin ang system loss charges. Kung may dapat magbayad, hindi ang mga konsyumer kundi ang mga korporasyong patuloy na kumikita ng bilyon-bilyong piso mula sa isang batayang serbisyo,” paliwanag ni Elago.

“Sa simula pa lang, hindi na dapat ipinapasa sa mga konsyumer ang system loss charges. Hindi kasalanan ng mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility,” dagdag ni Elago

Ayon kay Elago, ang tindig ng Meralco ay lalo lamang nagpapatibay sa pangangailangang ibasura ang batas at hindi lamang bahagyang baguhin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Ang kasalukuyang mga batas gaya ng EPIRA at Republic Act No. 7832 o Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act ay nagpapahintulot sa mga distribution utility na bawiin ang bahagi ng system loss mula sa mga end-consumer sa pamamagitan ng system loss charge na nakapaloob sa buwanang bill sa kuryente.

“Lumalabas ngayon kung bakit hindi sapat ang simpleng pag-amyenda sa EPIRA. Hangga’t nananatili ang batas na nagbibigay-prayoridad sa tubo ng malalaking power corporations, patuloy ding maipapasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang singilin para proteksyunan ang kanilang napakalaking kita,” paliwanag ni Elago.

“Ang pagtanggal ng system loss charges ay mahalagang unang hakbang, ngunit hindi ito dapat ipagkamali ng kongreso bilang mismong solusyon,” pagtatapos ni Elago. Panawagan niya ang tuluyang pagbabasura ng EPIRA.

The post Bilyong kita ng Meralco, patunay na kaya nito saluhin ang system loss charges—GWP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.