Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 73 sa Urdaneta City ang kasong terrorism financing laban kay Sarah Abelon Alikes noong Hunyo 23.

Ayon sa desisyon ng hukuman, nabigo ang prosekusyon na patunayan na sadyang nagbigay si Alikes ng pera, ari-arian, o anumang uri ng suporta para sa mga gawaing terorista. Sinabi rin nito na walang naipakitang tuwirang ebidensya ang mga testigong pulis na mag-uugnay sa kanya sa sinasabing paglabag.

Ang kaso ay isa lamang sa mga isinampa laban kay Alikes sa nakalipas na mga taon. Noong 2023, inakusahan siya at tatlo pang lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) ng Anti-Terrorism Council bilang mga terorista. Dahil dito, nagkaroon ng freeze order sa kanilang mga bank account. Nakaapela pa ngayon ang kanilang petisyon laban sa naturang paglalagay sa listahan.

Noong 2023, naibasura ang kasong rebelyon na isinampa sa kanya sa Abra.

Ayon sa mga grupong nga tagapagtanggol sa karapatang-tao at karapatang-katutubo, ang isinampang mga kaso laban kay Alikes ay bahagi ng malawakang kampanya ng Red-tagging at paggamit ng mga batas laban sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao sa Cordillera.

Ayon kay E.B. Cortez, pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ang desisyon ng korte ay patunay na ginagamit ang piskalya bilang instrumento para supilin ang mga paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso. Hayagan pa itong isinampa sa kabila ng tuntunin sa pagsasakdal ay maaari lamang maihain kung may “prima facie” o sa unang tingin pa lamang ay may katiyakan ng pagkakasala.

Aniya, kailangan muling paalalahanan ang piskalya ng DOJ na sa panahon ng preliminary investigation, tungkulin nilang “ingatan ang inosente laban sa padalus-dalos, mapanlinlang, at mapaniil na pag-uusig, at protektahan sila mula sa hayagan at pampublikong paratang ng krimen, mula sa abala, gastos, at pagkabalisa ng isang pampublikong paglilitis, at gayundin ay protektahan ang estado mula sa walang saysay at magastos na paglilitis.”

The post Kasong “terrorism financing” sa tagapagtanggol ng mga katutubo, ibinasura ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.