Naglunsad ng makataong misyon ang Karapatan-Laguna para tiyakin iginagalang ang mga karapatang-tao ng dalawang organisador na inaresto ng 68th IB, Bureau of Immigration at iba pang ahensya ng militar at pulis noong umaga ng Hunyo 30 sa Barangay San Isidro, Cabuyao City, Laguna. Ang mga inaresto ay kinilala bilang sina Cristina Pasion at Binay Serrano.
Ayon sa mga pwersa ng estado, inaresto si Serrano sa bisa ng mandamyento de aresto para sa kasong pagpatay. Pinararatangan rin siya bilang isang upisyal medikal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro. Dinakip naman si Pasion sa paratang lamang na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Taliwas dito, kinilala ang dalawang inaresto bilang mga sibilyang organisador at naglilingkod sa mahihirap na komunidad sa Southern Tagalog. Naiulat rin na mayroong sakit ang dalawa at nagpapagamot sa prubinsya nang dinakip.
Si Pasion ay isang Pilipino-Amerikanong kabataang naghahangad na kilalanin ang kanyang nakaraan at kasaysayang Pilipino. Nakipamuhay siya sa mga aping mga komunidad ng magsasaka, namulat sa bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunan hanggang sa nagpasyang kumilos para sa kapwa Pilipino.
Sa nagdaang mga buwan, naging target siya ng matinding Red-tagging ng militar at iniuugnay sa aktibistang Pilipino-Amerikanong si Chantal Anicoche na iligal na inaresto at idinitine ng 203rd Bde at 2nd ID noong Enero. Kasangkapan ng militar sa pekeng kwento at propagandang ito ang grupong Filipino-Americans Against Communist Terrorism ng National Task Force-Elcac.
Samantala, si Serrano ay isang Mindoreño na lumikas mula sa kanilang lugar dahil sa matinding militarisasyon. Ang kanyang pagkakasakit ay idinulot ng tindi ng teror na ihinasik ng militar at pulis sa kanilang lugar.
Para tiyakin ang kanilang mga karapatan, nagtungo ang Karapatan-Laguna sa istasyon ng pulis sa Cabuyao City ngunit itinanggi ng mga pulis na nasa kustodiya nila ang mga inaresto. Ayon sa pulis at militar, nasa kustodiya ng Regional Mobile Force Battalion-Region 4A si Serrano, habang si Pasio ay nasa kustodiya ng Bureau of Immigration.
“Kakatapos pa lamang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ngunit nananatiling nananalaytay na pasismo ang kanyang kasagutan sa panawagan ng mga mamamayang humuhingi ng panlipunang hustisya,” ayon sa Karapatan-Laguna.
The post Karapatan ng 2 organisador na inaresto sa Laguna, igalang—Karapatan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

