Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) na nakasagupa ng isang yunit nito ang tropa ng 203rd IBde noong Hulyo 29 ng hapon sa Barangay Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro. Ang naturang yunit ng hukbong bayan ay umiikot sa lugar para makipag-usap sa mga magsasaka at katutubo, alamin ang kanilang kalagayan, at magbigay ng serbisyo sa masang Mindoreño.
Ayon sa pahayag ng 203rd IBde, napatay ng 76th IB at 5th Scout Ranger Battalion sa 30-minutong labanan ang dalawang babaeng Pulang mandirigma at nadakip ang isa pang babae sa Barangay del Pilar. Matapos ang insidente, naglunsad ng operasyong pagtugis ang mga yunit militar ayon sa 203rd IBde.
Inatasan rin ng militar ang Philippine National Police na magtayo ng mga tsekpoynt sa bayan kaugnay ng kanilang operasyon. Ipinasuspinde ng militar ang klase sa mga barangay ng Naujan.
Sa pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, patuloy na nag-iimbestiga ang yunit kaugnay ng katotohanan ng mga pangyayari sa iniulat na insidente. “Agad kaming magpapabatid sa madla sa magiging resulta nito,” aniya.
Ayon kay Gasic, ang operasyong kombat ng 203rd IBde at labanan ay naganap sa gitna ng labis na kahirapan ng masang Mindoreño sa lugar. Aniya, naghihirap ang mga magsasaka ng Naujan dahil sa barat na kita, habang ang mga mangingisda ay nahihirapang maghanap-buhay sa kakulangan ng mga kagamitan. Nagdurusa rin ang mga residente ng Naujan ng sa matitinding baha at pagguho ng lupa kahit sa simpleng ulan dahil sa mga palpak at pekeng flood control project.
Pangamba niya, ibayo pang titindi ang paghihinagpis ng masang Mindoreño sa pagsinsin ng mga operasyong militar at pulis kasunod ng labanan. “Ang pagdagan ng AFP-PNP sa lugar para tugisin ang napalabang yunit ng NPA ay bahagi ng desperasyon ng rehimen na kamtin ang huwad na deklarasyong ‘insurgency free’ sa isla, at hanggang sa buong Mimaropa,” pahayag ni Gasic.
Sa harap ng banta ng pagtindi ng militarisasyon at kahirapan sa Naujan, nanawagan ang BHB-Mindoro sa mamamayang Mindoreño na tibayan ang hanay at labanan ang pasistang pang-aatake ng AFP-PNP sa isla. Aniya, nararapat na palakasin ang mga panawagan na palayasin ang tropang militar na perwisyo sa pamumuhay ng mga residente.
“Habang rumaragasa ang militarisasyon sa kanayunan, marapat paigtingin ang armadong pakikibaka,” ayon kay Gasic. Idineklara ng BHB-Mindor na patuloy na magpapakahusay ang mga yunit sa ilalim nito sa pakikidigmang gerilya para ubos-kayang paglingkuran ang mamamayang Mindoreño.
The post Yunit ng BHB-Mindoro na nagbibigay-serbisyo sa bayan ng Naujan, nakasagupa ng 203rd IBde appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

