Kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro ang paglapastangan ng 203rd IBde sa mga bangkay ng diumano’y dalawang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) na napatay sa isang labanan sa Barangay Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro noong Hulyo 29. Ang litrato ng mga bangkay ay ipinaskil ng 203rd IBde sa Facebook na tila tropeyo, sa layuning mag-imbita ng masasamang komento mula sa bayarang mga troll nto.
“Ito ay paglapastangan sa labi ng mga namatay at malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL),” pahayag ni Ka Ma. Patricia Andal, tapagasalita ng NDF-Mindoro. Aniya, ang walang konsensyang pagyayabang ng 203rd IBde sa naganap na labanan at pagpaskil ng litrato sa Facebook ay patunay ng “malademonyo at makahayup nitong katangian.”
Ang ginawang aksyon ng 203rd IBde ay labag sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 3, Numero 4 ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng mga kinatawan nGubyerno ng Pilipinas at NDFP. Nakasaad dito na ipinagbabawal ang “desekrasyon o hindi paggalang sa mga labi ng mga namatay sa proseso ng armadong labanan o habang nakabilanggo…”
Dagdag ni Andal, bukod sa paglabag sa IHL, pambabastos ito sa mga kaanak ng napaslang at kulturang Pilipino na nagpapatupad ng tradisyon ng pagrespeto sa mga patay.
Nanawagan rin ang NDF-Mindoro na isapubliko ang iniulat ng 203rd IBde na isa pang diumano’y babaeng Pulang mandirigma na naaresto nito matapos ang labanan. “Marapat nilang isapubliko ang naturang nadakip at igalang at kilalanin ang karapatan sang-ayon sa Protocol II ng IHL at maging sa nakasaad sa reaksyunaryong batas ng Government of the Republic of the Philippines,” pahayag ni Andal.
Nakasaad rin ang tuntuning ito sa Ika-4 na Bahagi, Artikulo 3, Numero 5 ng CARHRIHL. Ipinagbabawal dito ang “hindi pag-uulat sa identidad, personal na kalagayan at sirkunstansya ng isang taong pinagkaitan ng kanyang kalayaan sa mga dahilang may kaugnayan sa armadong labanan sa mga Partido para magampanan nila ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa ilalim ng Kasunduang ito at sa ilalim ng internasyunal na makataong batas.”
Matapos ang engkwentro, nagtayo ng tsekpoynt ang pulis sa atas ng militar at ipinatupad ang suspesyon ng klase sa mga paaralan sa bayan ng Naujan. “Tiyak na ireresulta ng militarisasyon sa Naujan ang mistulang batas militar sa bayan kung saan malamang na pipigilan ang paggalaw ng mamamayan sa anyo ng di makatarungang curfew, sapilitang pagpapapirma sa logbook at iba pang anyo ng paghihigpit,” ayon kay Andal.
Panawagan sa mga makataong institusyon
Kaugnay ng mga naitalang kaso ng paglabag sa karapatang-tao at IHL, nanawagan ang NDF-Mindoro sa mga mapagkawanggawang grupo at makataong institusyon na magsagawa ng humanitarian mission. Ayon sa grupo, makakatulong ito para malaman ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan ng Naujan at iba pang apektado ng naganap na labanan sa isla. Dagdag nito, marapat na isagawa ang serbisyong medikal at paralegal para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao.
“Hindi dapat sagkaan o ipagkait ang serbisyong handog para sa mga biktima dahil kabilang ito sa mga batayang karapatan alinsunod sa IHL,” ayon kay Andal. Hinimok rin ng NDF-Mindoro sa mga tunay na lingkod bayan sa isla na tulungan ang mga biktima ng militarisasyon at terorismo sa isla.
Hinikayat ng NDF-Mindoro ang masang Mindoreño na lakasan ang loob at matapang na manindigan para sa karapatang-tao at igiit ang mga karapatan alinsunod sa internasyunal na makataong batas. Hamon niya sa iba’t ibang sektor at uri sa isla na pursigidong singilin at papanagutin ang pulis at militar. “Marubdob na labanan ang matinding terorismo ng estado,” panawagan ni Andal.
The post Paglabag ng 203rd IBde sa IHL sa labanan sa Oriental Mindoro, kinundena ng NDF-Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

