Mariing kinukundena ng NDF-Mindoro ang tahasang pagpapakalat ng 203rd Infantry Brigade (IBde) sa Facebook at mainstream media ng mga litrato sa naganap na labanan sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng 76th Infantry Battalion (IB) at 5th Scout Ranger Battalion (SRB) sa isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro noong Hulyo 29, 2026, 1:30 ng hapon sa Barangay Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro. Walang konsensyang ipinagyabang ng 203rd IBde ang naganap na labanan at pinost ang litrato ng napaslang na diumano’y dalawang Pulang mandirigma. Ito ay paglapastangan sa labi ng mga namatay at malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).

Lalong pinapatunayan ng AFP-PNP ang malademonyo at makahayup nitong katangian sa walang konsensyang pagpost ng mga labi ng napaslang na mistulang tropeo sa naganap na labanan. Bukod sa paglabag sa IHL, pambabastos ito sa mga kaanak ng napaslang at kulturang Pilipino na nagpapatupad ng tradisyon ng pagrespeto sa mga patay.

Samantala, kabilang sa ipinagyabang ng 203rd IBde ang pagkakadakip ng diumano’y isang Pulang mandirigma sa naturang labanan. Marapat nilang isapubliko ang naturang nadakip at igalang at kilalanin ang karapatan sang-ayon sa Protocol II ng IHL at maging sa nakasaad sa reaksyunaryong batas ng Government of the Republic of the Philippines.

Tiyak na ireresulta ng militarisasyon sa Naujan ang mistulang batas militar sa bayan kung saan malamang na pipigilan ang paggalaw ng mamamayan sa anyo ng di makatarungang curfew, sapilitang pagpapapirma sa logbook at iba pang anyo ng paghihigpit. Naglipana na ang mga checkpoint sa lugar at pinagbawalan ang mga residente na tumungo sa kani-kanilang lupang sakahan.

Hindi na tinigilan ng rehimeng US-Marcos II, sa pamamagitan ng SOLCOM at 203rd IBde ang pang-aatake sa isla ng Mindoro na nagtala ng 48 paglabag sa karapatang tao na may 23,338 biktima sa unang hati ng 2026 lamang. Tampok na krimen ng 203rd IBde ang pambobomba at pang-iistraping ng apat na helicopter gunships sa Bagong taon na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong batang Mangyan Iraya at pagkasugat sa kanilang ina, bukod pa ang pinsala sa agrikultura na mga pananim at alagang hayop.

Nananawagan ang NDF-Mindoro sa mga mapagkawanggawang grupo at makataong institusyon na magsagawa ng humanitarian mission upang mag-alam sa tunay na kalagayan ng mga mamamayan ng Naujan at iba pang apektado ng naganap na labanan sa isla. Marapat na isagawa ang serbisyong medikal at paralegal para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao. Hindi dapat sagkaan o ipagkait ang serbisyong handog para sa mga biktima dahil kabilang ito sa mga batayang karapatan alinsunod sa IHL. Nananawagan din ang NDF-Mindoro sa mga tunay na lingkod bayan sa isla na tulungan ang mga biktima ng militarisasyon at terorismo sa isla.

Dapat na matapang na manindigan ang mga Mindoreño para sa karapatang pantao at igiit ang mga karapatan alinsunod sa internasyunal na makataong batas. Pursigidong singilin at papanagutin ang 203rd IBde, PNP MIMAROPA at 2nd ID bilang mga nangungunang teroristang nagpapahirap sa mga Mindoreño. Marubdob na labanan ang matinding terorismo ng estado.

The post Kundenahin at papanagutin ang mga paglabag ng AFP sa karapatang-tao sa Naujan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.