Ipinagmamayabang ng berdugong 203rd Infantry Brigade ang resulta ng naganap na labanan sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng 76th Infantry Battalion (IB) at 5th Scout Ranger Battalion (SRB) sa isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro noong Hulyo 29, 2026 bandang 1:30 ng hapon sa Barangay Del Pilar, Naujan, Oriental Mindoro. Ang naturang yunit ng LdGC ay umiikot sa lugar upang mag-alam ng kalagayan at magbigay ng serbisyo sa masang Mindoreño.

Hanggang sa mga oras na ito, patuloy na nag-iimbistiga ang LDGC-NPA-Mindoro sa tunay na kaganapan at resulta ng naturang labanan. Agad kaming magpapabatid sa madla sa magiging resulta nito.

Naganap ang naturang labanan sa gitna ng labis na kahirapan ng masang Mindoreño sa lugar. Naghihirap ang mga magsasaka lalo ang mga may tanim ng palay dahil sa barat na kita. Gayundin ang mga mangingisda sa lugar na walang kinabukasan dahil sa kakulangan ng mga kagamitang pangisda. Lugmok na nga ang kabuhayan, nagdudusa pa ang mga residente sa matitinding baha at landslide kahit sa simpleng mga ulan. Ang bayan ng Naujan ay kabilang sa mga lugar na may mga peke at palpak na flood control projects (FCP) na kung saan ay sunud-sunod na gumuho ang mga road dike dito. Bukod pa rito ang mga hindi tapos na FCP sa kahabaan ng Mag-Asawang Tubig, Bocayao at iba pang sekundaryong mga ilog at sapa sa Oriental Mindoro.

Tiyak na sa pagsinsin ng mga operasyong militar at pulis, ibayo pang titindi ang paghihinagpis ng masang Mindoreño dulot ng tiyak na pagdami ng mga paglabag sa karapatang pantao sa mga sibilyan. Ang pagdagan ng AFP-PNP sa lugar para tugisin ang napalabang yunit ng NPA ay bahagi ng desperasyon ng rehimen na kamtin ang huwad na deklarasyong “insurgency free” sa isla, at hanggang sa buong Mimaropa. Lahat nang ito ay ipinatupad sa ilalim ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimen sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development. Nagkukumahog si Marcos Jr. na kamtin ang istatus na “insurgency free” at “makapihit sa eksternal na depensa” alinsunod sa utos ng imperyalismong US.

Sa harap nito, nananawagan ang LdGC sa mamamayang Mindoreño na tibayan ang hanay at labanan ang pasistang pang-aatake ng AFP-PNP sa isla. Kaakibat ng pagtatanggol ng karapatan ang pagdedepensa sa lupa at kabuhayan ng masang api sa Naujan at iba pang bahagi ng isla. Palakasin ang mga panawagan na palayasin ang tropang militar na perwisyo sa pamumuhay ng mga residente. Paalingawngawin ang mga sigaw para itigil ang militarisasyon sa kanayunan at ilipat ang pondo sa depensa tungo sa serbisyong panlipunan.

Habang rumaragasa ang militarisasyon sa kanayunan, marapat paigtingin ang armadong pakikibaka. Patuloy na magpapakahusay ang mga yunit ng LdGC sa pakikidigmang gerilya at ubos-kayang paglingkuran ang mamamayang Mindoreño hanggang sa buhay ay ialay para sa ganap na kalayaan at demokrasya.

Mabuhay ang BHB!

Mabuhay ang mamamayang Mindoreño!

The post Sa harap ng labanan at masinsing operasyong militar sa Naujan, lutasin ang krisis at kahirapan sa landas ng armadong pakikibaka! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.