Nanawagan ang iba’t ibang progresibong organisasyon at tagapagtanggol sa karapatang-tao na agad na palayain ang mga iligal na inaresto sa kasagsagan ng mga kilos-protesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 27. Una rito, kinundena ng mga grupo ang maramihan, iligal, at marahas na pag-aresto sa 51 indibidwal, na tinaguriang Sona 51, sa araw na iyon.
Pinalaya kinabukasan, Hulyo 28, ang 42 sa mga inaresto, kabilang ang 12 menor de edad, nang walang isinampang kaso. Gayunman, siyam na indibidwal, kasama ang dalawang paralegal, ang nananatiling nakakulong sa Camp Karingal matapos isailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Office of the City Prosecutor.
Nagsimula ang pag-aresto sa Commonwealth Avenue nang hulihin ng Philippine National Police (PNP) ang mga raliyista mula sa mga grupong Vandals United, HipHop United, Skaters United, at Defend the Hood. Ayon sa mga ulat, itinakda ang mga pag-aresto batay sa kung sino ang nakasuot ng itim. Kasunod ito ng pagpinta ng malaking graffiti na nagsasaad ng “Meralco Sindikato” sa pader ng isang substation ng kumpanya sa Commonwealth Avenue bilang protesta sa mataas na singil sa kuryente. Bahagi ang pagpinta sa tinagurian ng mga grupo na street art na “Street of the Nation Attack.”
Naghain ang PNP at ang kumpanyang Meralco ng mga reklamong malicious mischief, direct assault, at tumults laban sa pitong raliyista, habang obstruction of justice naman ang isinampa sa dalawang paralegal. Ayon naman sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), labag sa batas ang pagpiit dahil lumagpas na ang takdang oras para sa mga light offenses, at ang parusa sa reklamong vandalism ay multa lamang at hindi pagkakakulong.
Kinundena rin ng NUPL ang isinagawang iligal na intergosasyon ng PNP sa mga inaresto. Napag-alaman ng grupo na tatlong kahina-hinalang indibidwal ang kumausap sa mga inareasto at nagpakilalang mga abugado ng NUPL at mga paralegal ng Commission on Human Rights (CHR). Tumanggi ang mga inaresto na sagutin ang kanilang mga tanong ngunit paulit-ulit ang mga ito at pinagbantaang sasaktan.
Pinuna ng NUPL ang kapansin-pansing padron ng mga tanong sa iligal na interogasyon. Anito, ang pagtatanong ng mga pulis lagpas sa kasong inihaharap sa mga inaresto at pagpokus sa kinabibilangang organisasyon nito at pag-profile sa mga ito ay lubhang paglabag sa karapatang-tao.
Agad na binatikos ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang arbitraryong aksyon ng mga pulis. Ayon kay Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng grupo, ang graffiti ay sumasalamin lamang sa tunay na galit at pagkadismaya ng publiko sa mataas na singil sa serbisyo.
Sa isang upisyal na pahayag, iginiit ng alyansang Karapatan na ang marahas na pang-aaresto ng PNP ay isang mapanganib na pamantayan na nagpapalakas sa kultura ng karahasan at tahasang lumalabag sa mga sibil na kalayaan sa bansa.
Isa sa mga inaresto at pinalaya na ay si Vitrum, isang rap artist mula sa AKAB at HipHop United Against Corruption. Kasama ang buong komunidad, nanawagan siya para sa kaukulang pagbabasura ng mga gawa-gawang kaso.
Umani rin ng matinding pagkadismaya sa publiko at sa eksena ng Pinoy Hip-hop at underground street culture ang insidente. Anila, sa halip na tugunan ang hinaing ng mamamayan sa mababang sahod, baha, at mataas na buwis, karahasan at pagsupil sa malayang pagpapahayag ang ganti ng estado.
The post Pagpapalaya sa mga inaresto sa SONA ng Bayan, ipinanawagan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

