Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga alyadong organisasyon nito ang mga protestang SONA ng bayan sa iba’t ibang rehiyon at prubinsya noong Hulyo 27. Ang protesta ay paglalahad sa tunay na kalagayan ng bayan para pasinungalingan ang ikalimang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa araw na iyon.
Kasabay ang mga protesta sa martsa ng libu-libo sa Commonwealth Avenue, Quezon City kung saan lumahok ang mga grupong pambansa-demokratiko mula sa National Capital Region, Central Luzon at Southern Tagalog. Bago ang malaking pagkilos, naglunsad ng karaban-protesta sa mga ahensya ng gubyerno ang mga grupo mula Southern Tagalog noong Hulyo 25-26.
Tampok sa mga protesta sa buong bansa ang panawagan para ibasura ang inisyatibang Pax Silica at pagtatakwil sa tropang militar ng US sa Pilipinas. Siningil nila ang rehimeng Marcos sa pananagutan nito sa malawakan at sistematikong korapsyon sa bansa sa panawagang “Lahat ng sangkot, sapat managot!” Binatikos rin nila ang lugmok na kalagayan sa ekonomya na hindi tinutugunan ng rehimen.
Ibinandera rin ng mga organisasyon ang mga lokal na isyu sa rehiyon kabilang ang pribatisasyon sa mga palengke, mapangwasak na mga dredging at pagmimina, bulok sa serbisyo sa tubig, hikahos na kalagayan ng mga magbubukid at mangingisda, at tanggalan sa mga manggagawa.
Sa Northern Luzon, inilunsad ng mga grupo ang pagkilos sa Baguio City, Vigan City sa Ilocos Sur, Burgos sa Ilocos Norte, San Fernando City sa La Union at Bayombong sa Nueva Vizcaya. Sa Bicol, magkahiwalay na programa ang isinagawa sa Naga City sa Camarines Sur at Legapzi City sa Albay.
Sa Visayas, nagkaroon ng mga pagkilos sa lahat ng rehiyon. Sa Panay Island, inilunsad ang mga protesta sa Kalibo City sa Aklan, Roxas City sa Capiz, at Iloilo City. Sa Negros Island, nagsama-sama ang mga grupo sa Bacolod City para sa isang martsa-protesta at programa. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Cebu City at sa Tacloban City.
Sa Mindanao, ikinasa ang mga protesta sa Davao City at General Santos City. Samantala, naiulat rin ang pagtitipon ng mga progresibong guro sa ilang pampublikong paaralan sa Zamboanga del Sur bilang simbolikong protesta kontra SONA.
Dumanas ng iba’t ibang tipo ng panggigipit at panghaharas mula sa mga pwersa ng estado ang mga grupo sa tangkang pigilan ang kilos-protesta. “Ang pagkakaisa ng iba’t ibang pormasyon noong SONA ng bayan ay isang paalalang nakapagbibigay-inpiriasyon na ang ating pinakamalakas na sandata laban sa kawalan ng pananagutan ay ang ating kolektibong pagkilos. Tuloy ang laban! Makibaka, huwag matakot!” pahayag ng pambansang upisina ng Bayan.
The post Mga protestang ‘SONA ng bayan,’ inlunsad sa mga prubinsya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

