Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang grupong Koalisyon Isalbar ti Pintas ti La Union (KIPLU) sa paglabas ng Sangguniang Bayan ng resolusyong “no objection” o walang pagtutol sa planong dredging sa channel at delta ng Balili River.
Ayon sa grupo, kulang sa matibay na rekisito ang naturang resolusyon para sa pagsasagawa ng environmental impact assessment, biodiversity at water quality monitoring, plano sa pagtapon ng dredged materials, at independyenteng pagsubaybay. Bagamat tinutugunan ng dredging ang paulit-ulit na paglubog sa latak (siltation), hindi nito natutugunan ang mga sanhi nito.
Bahagi ang dredging sa Balili River ng isang pambansang proyekto sa desilting o pagtatanggal ng latak sa mga ilog para maibsan ang pagbaha. Bukod sa Balili River, may iba pang ilog sa lalawigan ang tinitingnang huhukayin rin sa katulad na dahilan.
Noong Hulyo 3, ipinrisinta ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang master plan para sa Aringay, Baroro, at Amburayan Rivers sa isang public hearing hinggil sa panukalang ordinansa na magpapahintulot sa river dredging at komersyal na paggamit ng dredged materials.
Tinanggihan ng KIPLU at iba pang sektor at grupo ang naturang panukala dahil itinuturing nitong pangunahing tugon ang dredging sa mga suliranin sa ilog, sa halip na ideklarang “last resort” lamang ito. Sa halip, iminungkahi ng grupo bilang alternatibong tugon ang malawakang pagtatanim ng puno, rehabilitasyon ng bakawan (mangroves), pagpapanumbalik ng wetlands, at upstream sediment control.
Noong Hulyo 22, sa ikalawang public hearing, kinwestiyon ng mga kinatawan ng KIPLU ang pagprisinta sa ordinansa bilang “river-restoration measure,” gayong malaking bahagi ng nilalaman nito ay nakatuon sa dredging at iba pang engineering na hakbang. Ayon sa grupo, maaaring magbukas ang borador na ordinansa sa komersyal na pagsasamantala sa hinukay na materyal at mas paboran ang kita ng mga pribadong kumpanya kaysa sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Sinabi rin nila na hindi isinasaalang-alang ng panukala ang gastos at pinsalang papasanin ng lokal na komunidad.
Kinwestiyon din ng grupo ang kawalan ng konsultasyon sa mga apektadong residente. Walang nakasaad o naitalang rekisito para sa makabuluhan at inklusibong konsultasyon kasama ang mga apektadong barangay, mangingisda, katutubong komunidad at mga lokal na siyentista bago aprubahan at ipatupad ang proyekto.
“Nagpapahina sa transparency at pananagutan ang kawalan ng partisipasyon ng publiko,” paliwanag ni Cris Palabay, tagapangulo ng KIPLU. “Ang resolusyon ay nagpapakita ng kakulangan sa masusing pag-aanalisa, hindi sapat na mga pananggalang, at nakababahalang pagpapawalang-halaga sa tunay na pampublikong konsultasyon.”
Nanawagan ng KIPLU na isuspendi ang mga permit at kontrata hanggang di naisasagawa ang isang independyenteng pag-aaral na maghahambing sa dredging sa mga di mapaminsalang hakbang. Hiniling din nila ang rehabilitasyon ng watershed, mas mahigpit na kontrol sa pagkakwari, at mas aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpaplano at monitoring.
The post Pag-abruba ng konseho sa planong dredging sa La Union, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

