Nagsumite ng petisyon sa Department of Justice noong Hulyo 24 ang mga kapamilya ng mga bilanggong pulitikal sa pangunguna ng organisasyong KAPATID upang pigilan ang planong paglilipat ng mga bilanggong pulitikal sa iba’t ibang penal colony sa bansa. Tuntungan ng petisyon ang prubisyon sa Mandela Rules (Rule 59) na Proximity from Home, na dapat sa malapit sa tirahan ng mga pamilya nila ikulong ang mga bilanggong pulitikal. Sa kasalukuyan, nasa 45 na bilanggong pulitikal ang nakadetine sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Ang penal colony ay isang malayong pamayanan kung saan itinatapon ang mga bilanggo upang maihiwalay sila sa pangkalahatang populasyon. Karaniwan itong nasa isla o malayong teritoryo, at minsan ay tumutukoy rin sa isang kulungang nasa liblib na lugar. Kadalasan, ipinagagawa ang mga preso rito ng mabigat na trabaho. Sa kasalukuyan may apat na pinangangasiwaang penal colony ang BuCor. Ang mga ito ang Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao del Norte at Sablayan Prison and Penal Farm sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Ang planong paglilipat ng mga bilanggo sa mga penal colony ay bahagi ng plano ng gubyerno na gawing komersiyal na paupahang 375-587 ektarya ng NBP reservation sa Muntinlupa City sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships (PPP) at joint venture projects. Gagamiitn umano ang malilikom na pondo sa modernisasyon ng sistema ng mga bilangguan ng bansa. Itinakda rin ng BuCor na ipasara ang NBP pagsapit ng 2028.
Kasabay nito, nagpahayag si General Pio Catapang Jr., direktor ng Bureau of Corrections (BuCor), na walang bilanggong pulitikal sa NBP o sa kahit anong kulungan sa ilalin ng naturang ahensya.
“Para sa kaalaman ni Director General Catapang, may 79 bilanggong pulitikal na nakakulong sa mga pasilidad ng BuCor, at 45 sa kanila ay nasa NBP,” paliwanag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Hindi dapat itinatanggi ang kanilang presensya.
Aniya, inilalantad ng pahayag ni Catapang ang “malubhang kakulangan at kabiguan ng programa ng rehimeng Marcos para sa pagpapaluwag ng mga kulungan, dahil…hindi (nito) nauunawaan ang mga realidad ng lipunan kaugnay ng sistemang hudisyal na sistema at pagpaparusa, kabilang ang pagkakabilanggo dahil sa pulitikal na paninindigan.”
Sinentensyahan batay sa mga gawa-gawang kaso ang 79 na bilanggong pulitikal, ani Palabay. Karamihan sa kanila ay mga magsasaka at organisador ng magsasaka na ang lehitimong gawain at adbokasiya ay ginawang krimen ng gubyerno. Hindi bababa sa 12 sa kanila ay nakulong na ng 16 hanggang 25 taon, habang hindi bababa sa 30 ang nakakulong ng anim hanggang 15 taon. Marami sa kanila ay matatanda na at may malulubhang karamdaman.
“Kung tapat ang gubyerno sa paglutas sa siksikan sa mga kulungan, dapat sila (matatanda at may sakit na bilanggong pulitika) ang isa sa mga unang palalayain,” ayon kay Palabay.
Dagdag niya, sa loob ng maraming taon, masusing bumuo ang mga pamilya, kaibigan, at mga grupong sumusuporta ng mga sistemang tumutulong sa mga bilanggong pulitikal sa NBP. Anito, ang maramihang paglilipat ay lubhang makaaapekto at makagugulo sa mga sistemang ito, at magdadala rin ng dagdag na paghihirap sa mga bilanggo at sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Ang malala, isinasagawa ang mga paglipat para sa komersyal na pag-unlad at kita, sa halip na tunay na tugunan ang ugat ng siksikan sa kulungan at kawalan ng katarungan. Ang ganitong palisiya ay hindi lamang mapagsamantala kundi hindi rin makatao,” dagdag ni Palabay.
The post Planong paglipat ng mga bilanggong pulitikal sa mga penal colony, tinututulan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

