Nitong Hulyo, iniulat ng iba’t-ibang alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang kanilang mga pagsisikap para magpalakas para tuluy-tuloy na makapag-ambag sa pagsusulong ng digmang bayan. Naglunsad ang mga ito ng mga asembliya, talakayan at pag-aaral, at operasyon pinta at operasyon dikit o OP-OD.

Asembliya ng balangay ng Armas

Nitong Hulyo, naglunsad ng asembliya ang Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Balangay Felix Salditos. Pinagtibay ng mga kasapi ng balangay ang mahigpit na tungkulin ng mga artista ng bayan bilang aktibong kalahok sa pagsusulong ng rebolusyon.

Inilatag ng balangay ang mga naging tagumpay nito sa nagdaang mga taon. Kabilang sa mga nakamit nito ang aktibong paglahok sa iba’t ibang lihim na pagkilos, pag-ambag ng sining para sa mga rebolusyonaryaong lathalain at parangal para sa mga bayani at martir, paglunsad ng gawaing propaganda, pagbuo ng mga bagong balangay ng Armas, at pagtugon sa kampanya ng pakikipamuhay sa kanayunan, kapwa sa kilusang magsasaka at Bagong Hukbong Bayan. Tinukoy rin ng balangay ang mga naging kahinaan nito, at nagpasyang magpursigi sa pag-aaral at paglapat ng teorya sa praktika, pagpupuna at pagpupuna sa sarili, upang maigpawan ang mga ito.

Binuo sa asembliya ang mga pangkalahatang plano ng pagkilos na naglalayong higit pang palalimin ang rebolusyonaryong paninindigan ng bawat kasapi at palakasin ang balangay. Naghalal ito ng bagong mga upisyal na mamumuno sa organisasyon.

“Artista ng bayan, gamitin ang sining upang ibayong isulong ang Demokratikong Rebolusyon Bayan na may sosyalistang perspektiba! Lumahok sa matagalang digmang bayan!” panawagan ng balangay.

Rebolusyonaryong pag-aaral ng MSP

Iniulat ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) nitong Hulyo ang pagsisikap ng mga balangay nito para paunlarin at patatagin ang rebolusyonaryong paninindigan ng mga myembro nito. Kaugnay nito, naglunsad ang balangay ng MSP sa hanay ng mga estudyanteng pangkalusugan ng gawaing edukasyon.

Ayon sa ulat ng Ang Rebolusyonaryong Lunas, pahayagan ng MSP, isa sa mga regular na aktibidad na isinasagawa ay ang Pulsuhan, isang aktibidad para sa pag-aaral at pagkonsolida ng mga kasapi. Karaniwang tumatagal ang aktibidad ng isang buong araw, kung saan sama-samang nagbabasa at nagtatalakay ang mga rebolusyonaryong estudyanteng pangkalusugan ng mga artikulo, polyeto, at iba pang babasahing may kaugnayan sa kalagayan ng sektor ng kalusugan at ng mamamayan.

Sinusundan ito ng panonood ng mga pelikula o dokumentaryong naglalarawan ng mga usaping panlipunan at mga pakikibaka ng iba’t ibang sektor. Nagbibigay ito ng puwang para sa mas malalim na talakayan at pag-unawa sa rebolusyonaryong pakikibaka gayundin ng mga isyung kinakaharap ng lipunan.

Bukod dito, buwan-buwang nagsasagawa ang MSP ng talakayan upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman at kamulatan. Ayon sa pahayagan, ang mga aktibidad ay nagsisilbi bilang mahahalagang plataporma para mapanatili ang tuloy-tuloy na pag-aaral at kolektibong paghubog ng mga estudyante bilang mga rebolusyonaryong tutungo sa kanayunan at maglilingkod sa sambayanan.

OP-OD sa mga kalye at lansangan

Sa unang linggo ng Hulyo, naglunsad ng OP-OD ang Kabataang Makabayan (KM) sa Maynila bilang paggunita at pagdiriwang sa anibersary ng pagkakatatag ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) ni Andres Bonifacio noong Hulyo 7. Ang KKK ay nagbigay inspirasyon sa mga kabataan na itatag ang KM noong Nobyembre 30, 1964.

“Sa pangunguna ng uring anakpawis, mga makabayang intelektwal, at mga kabataan, tumindig ang Katipunan sa harapan ng pakikibaka para sa pambansang paglaya,” pahayag ni Maria Laya Guerrero, pambansang tagapagsalita ng KM. Hinamon niya ang mga kapwa kabataan na magpakahusay at humalaw ng mga aral mula sa Katipunan para patatagin ang KM.

Sa ulat ng Kalatas, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Southern Tagalog, sa isyu ngayong Hulyo, nagsagawa ng serye ng oplan pinta ang mga balangay KM at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa Laguna sa nagdaang buwan.

Unang isinagawa ng KM-Laguna ang Oplan Pinta noong Hunyo 24 na nagpapahayag ng pagtutol sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US. Nanawagan silang itigil ang gerang agresyon ng US sa iba’t ibang parte ng mundo. “Nananawagan kami na sumapi sa BHB upang labanan ang imperyalistang dominasyon,” pahayag ng KM-Laguna.

Noong Hulyo 4, nagsagawa naman ng oplan sabit ang KM-Balangay Christine Quevedo at Makibaka-Balangay Rona Jane Manalo) sa loob ng kampus ng University of the Philippines Los Baños .

Sa Quezon City, isinagawa ng mga balangay at yunit ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang OP-OD nitong Hulyo. Iniulat rin ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang OP-OD ng mga myembro nito sa National Capital Region. Ayon sa LAB at Kaguma, ang mga aktibidad ay panawagan sa mga propesyunal na magkaisa at kumilos laban sa rehimeng Marcos laluna sa harap ng papalapit na ikalimang state of the nation address.

The post Mga alyadong organisasyon ng NDFP, tuluy-tuloy ang pagsisikap na magpalakas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.