Nakalusot at nakapaglunsad ng raling-iglap malapit sa palasyo ng Malacañang sa Maynila ang mga guro, manggagawa sa edukasyon at estudyante sa pagkaguro, sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines, noong Hulyo 22. Isinagawa ang protesta ilang araw bago ang ikalimang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa Hulyo 27.

Sa kabila ng panunupil at tangkang pagbuwag ng mga pulis sa protesta, naisagawa ng mga guro ang kanilang programa. Nanawagan sila ng sapat na sahod, maayos na benepisyo, dagdag na pondo para sa pampublikong edukasyon, seguridad sa trabaho, at paggalang sa karapatang-tao at karapatang mag-unyon.

“Binigong Pilipinas ang inabot ng ating bansa dahil sa patung-patong na krisis sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr,” pahayag ni Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT. Ngayong 2026, ipinagyabang ng rehimen ang paglalaan ng “makasaysayang” badyet sa edukasyon ngunit sa katotohanan, ayon sa ACT, ang tatak ni Marcos ay makasaysayang antas ng krisis sa sektor.

Ayon kay Bernardo, sa ilalim ni Marcos ay lalong nabaon sa utang ang mga guro at kawani. “Paulit-ulit ang administrasyon na prayoridad nito ang edukasyon at pinakamahalaga sa sistema ang mga guro, ngunit hindi namin ito maramdaman,” dagdag ni Bernardo.

Binatikos rin ng mga guro ang walang kapantay na pandarambong at korapsyon sa pondo ng bayan sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ayon sa ACT, may pananagutan si Marcos at ang kapwa kurakot na dating kalihim ng Department of Education na si bise presidente Sara Duterte.

Pahayag ni Bernardo, wala sa interes ng mamamayan ang uunahin ng sinumang pulitiko lalo ang mga galing sa dinastiya gaya ng mga Marcos at Duterte. “Parehong bulakbol sa serbisyo publiko, parehong ganid sa yaman at kapangyarihan, parehong pahirap sa mamamayan, parehong tumatakas sa pananagutan, at parehong papet,” aniya.

Kinundena rin ng ACT ang bukas-palad na pagtanggap ng rehimeng Marcos sa pagdating ni US Secretary of State Marco Rubio sa Pilipinas para dumalo sa isang pagpupulong ng ASEAN Foreign Ministers sa Pasay City. Ayon kay Bernardo, dapat itakwil ng mga guro at Pilipino si Rubio na ahente ng imperyalistang agresyon at terorismo ng US.

Lubhang taliwas umano ang pagtrato ni Marcos kay Rubio sa karahasang hinarap ng mga nagpuprotestang guro. “Malinaw na ipinakita ng kanyang rehimen na pinuprotektahan nito ang dayuhang mga interes sa halip na mga interes ng mamamayang Pilipino, at na ang prayoridad nito ay kaladkarin ang bansa sa imperyalistang interbensyon at agresyon,” ayon kay Bernardo.

Nanawagan ang ACT sa mga guro, manggagawa sa sektor ng edukasyon, at mga estudyante sa pagkaguro na kumilos at lumahok sa SONA ng bayan sa darating na Hulyo 27. Dito ilalantad ng mga demokratikong sektor at uri ang tunay na kalagayan ng bayan sa pagkilos.

The post Mga guro at manggagawa sa edukasyon, sumugod at nagprotesta sa Malacañang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.