Mariing kinundena ng grupong Migrante International ang pagkamatay ng dalawang Pilipinong migranteng marino at pagkasugat ng 12 iba pa bunga ng mga drone attack na dulot ng lumalalang US-NATO proxy war sa Ukraine. Isa pang Pilipinong marino ang naitalang nawawala.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa siyam na sasakyang-pandagat na may sakay na mga Pilipinong marino ang ang naiulat na inatake sa magkakahiwalay na insidente habang dumadaan sa Black Sea.
“Nagluluksa kami sa pagkamatay ng ating dalawang Pilipinong marino at ipinaaabot ang aming taos-pusong pakikiramay sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International. Kinundena niya ang lumalalang tunggalian at mga imperyalistang gera mula Europe hanggang Middle East, na pinangungunahan ng imperyalistang US. Aniya, direktang inilalagay sa panganib ng mga gerang ito ang buhay at kaligtasan ng mga migranteng marino na nagtatrabaho sa iba’t ibang pantalan, logistics hub, at mga cargo, komersyal at oil rig na sasakyang-pandagat.
Binatikos din ni Concepcion ang rehimeng Marcos dahil sa kabiguan nitong protektahan ang mga Pilipinong marino at sa pagsuporta nito sa mga gerang agresyon US. Aniya, may pananagutan si Marcos sa pagkamatay ng mga marino at pagdadalamhati ng kanilang pamilya.
“Habang idineklara ng DMW ang mga rutang pandagat tulad ng Black Sea at Strait of Hormuz bilang ‘war-like operations areas’ at naglabas ng mga abiso sa ating mga marino tungkol sa kanilang karapatang tumangging lumayag dito, pinatutunayan ng pagkamatay ng ating dalawang marino na nananatiling kulang ang tugon ng pamahalaan ng Pilipinas,” ani Concepcion. Hindi rin nito tinutugunan ang sistemikong problema ng kakulangan ng pangmatagalang trabaho para sa mga Pilipinong marino sa sariling bansa at ang pangangailangang unahin ang pagpapaunlad ng sariling pambansang industriyang pandagat, aniya.
Sinisingil ng Migrante si Marcos sa pagiging sunud-sunuran sa US sa kapahamakan ng bayan. Anito, isinusuko ni Marcos ang soberanya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa US na gamitin ang buong bansa bilang base militar at lunsaran ng mga gerang agresyon. Nangako pa siyang magbigay ng malalawak na lupain sa ilalim ng inisyatibang Pax Silica para sa produksyon ng armas na lalo lamang magpapalala sa pandaigdigang krisis at magsasapanganib sa maraming inosenteng buhay.
Panawagan ng grupo sa mga Pilipinong marino, kasama ang lahat ng migranteng manggagawang Pilipino sa buong mundo, ang magkaisa at ipahayag ang galit.
“Lumahok sa kolektibong mga kilos-protesta upang igiit ang pagwawakas sa lahat ng imperyalistang gerang agresyon at tutulan ang interbensyon ng US sa Pilipinas na nagdudulot ng paghihirap sa uring manggagawa,” anito.
The post Pagkasawi ng 2 Pilipino marino sa Black Sea, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

