Mahigit 250 kalahok mula sa 24 na mga grupong-kontra gera sa US ang dumalo sa inilunsad na ikalawang pambansang kumperensya ng Anti-War Action Network (AWAN) sa Chicago, Illinois noong Hulyo 11-12. Ang grupo ay itinatag noong 2025 sa layuning pagkaisahin ang mga pwersa sa US na tutol sa mapangwasak na panggegera, sangsyon, at interbensyon ng US sa maraming bansa.
Ayon sa grupo, malaki ang inilawak nito sa loob lamang ng isang taon mula nang naitatag. Nakapaglunsad ang mga myembro nito ng matatagumpay na mga demonstrasyon at koordinadong aktibidad sa nagdaang taon sa harap ng agresyon ng rehimeng Donald Trump laban sa Iran, Venezuela at Cuba.
Masigla rin itong nakibahagi sa mga pagkilos kontra sa henosidyo ng Zionistang Israel sa mamamayang Palestino. Tinarget rin mga direktang aksyon ng grupo ang mga korporasyon at kumpanyang imbwelto at nagsusustento sa panggegera ng US sa buong mundo.
Sa kumperensya, ibinabagi ng mga kalahok ang kanilang kolektibong karanasan sa pamamagitan ng siyam na mga palihan na tumalakay sa iba’t ibang paksa. Isa sa mga nagbigay ng talakayan ang kinatawan ng kilusang BDS (boycott, divest, and sanction) kontra Israel.
Mayroong 28 myembrong organisasyon ang network at pagkatapos ng kumperensya ay maraming iba pa ang nais maging bahagi nito, ayon sa AWAN. Nagpahayag ng pagbati at suporta sa kumperensya ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA at progresibong grupo ng mga Korean sa US na Nodutdol.
Sa pagtanaw sa patuloy nitong paglawak, pinalaki ng AWAN ang tagapangasiwang komite nito. Ipinasa rin sa kumperensya ang 12 resolusyon.
“Ang pangunahing layunin ng Anti-War Action Network bilang isang grupo ay bumuo ng isang malawak na kilusan na tutol sa pinakamatinding sanhi ng inhustisya sa mundo ngayon, na ang United States at ang mga mapanirang gera, sangsyon, at mga interbensyon nito,” ayon kay Meredith Aby, susing lider ng AWAN.
The post Ika-2 pambansang kumperensya ng alyansa kontra gera ng imperyalismong US, inilunsad ng mga Amerikano appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

