Kinundena ng grupong Rise Up for Life and for Rights at National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang layunin ng US na “lansagin” ang International Criminal Court (ICC). Ginawa ang anunsyo sa pamamagitan ng State secretary ng US na si Marco Rubio noong Hulyo 13.
Bago nito, naglabas ng kautusan ang presidente ng US na si Donald Trump na nakatuon sa tinagurian niyang “mga iligal at walang batayang aksyon” ng ICC na nagta-target sa mga tauhan ng US, at sa mga malalapit nitong kaalyado (partikular ang Israel). Ginamit niya ito para gipitin ang mga huwes, taga-usig, at upisyal ng korte, partikular ang mga tauhang sangkot sa pag-iimbestiga at pagkakaso sa mga pwersang Amerikano at Israeli sa henosidyo sa Palestine.
Maaalalang bago nito ay ginipit din ni Trump ang mga espesyal na taga-ulat at tauhan ng United Nations. Hindi myembro ng ICC ang US at hindi ito signatory ng Rome Statutes, ang kasunduang nagtatag sa korte.
Sa isang pinag-isang pahayag, tinawag ng Rise Up at NUPL organisasyon ang hakbang bilang “isang pag-atake sa mga pinaghirapang tagumpay sa pandaigdigang batas at kaayusan.”
Binatikos ng dalawang grupo ang atas ng US sa mga bansa na bawiin ang kanilang suporta sa pulitika at pinansya at kumalas sa ICC. Binalaan pa ni Rubio na haharap sa mga sangsyon ang mga bansang hindi susunod sa utos ng US.
Batid ng lahat na ang atake ng US sa ICC ay upang iligtas nito ang sarili at ang Israel sa pananagutan sa henosidyo sa Palestine at sa napakaraming krimen sa digma at krimen laban sa sangkatauhan. Isa itong pampulitikang hakbang para mapawalang-sala ang US at Israel sa mga krimen nito sa Middle East.
“Ang mga panawagang ito ay nagpapahina rin sa kaso ng mamamayang Pilipino para sa mga krimen laban sa sangkatauhan na nakabinbin laban kay Rodrigo Roa Duterte, at sa mga potensyal na kaso laban sa mga may pinakamalaking pananagutan sa mga pagpatay at pang-aabuso na may kinalaman sa madugong ‘war on drugs,” ayon sa Rise 4 Life at NUPL.
Naghahanda na ang ICC para dinggin ang kasong crimes against humanity laban kay Duterte sa darating na Nobyembre 30.
Ayon pa sa mga grupo, nasa interes ng mamamayang Pilipino na muling sumanib ang Pilipinas sa ICC. Ang mga instrumento nito tulad ng mga batas, kasunduan, at mga protocol ay “napuprotekta sa mas maraming mamamayan sa mundo laban sa malalalang paglabag sa karapatang-tao at mabibigat na krimen na ginagawa ng mga makapangyarihang indibidwal.”
Ipinapailalim ng mga kasunduan tulad ng Rome Statute ang mga estado sa balangkas ng pandaigdigang batas at kaayusan. Itinayo ang ICC para dinggin ang mga kaso at parusahan ang mga makapangyarihang indibidwal sa apat na malalaking krimen sa buong mundo, kabilang ang mga krimen sa digmaan, krimen laban sa sangkatauhan, genocide, at krimen ng agresyon.
The post Dikta ng US na kumalas sa ICC ang mga bansa, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

