Nakiisa ang komunidad ng mga Pilipino sa South California sa welga ng mga manggagawa ng C&H Sugar Refinery sa Crockett, Contra Costa County, California. Kabilang sa sa kanila ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan SoCal, Migrante San Fernando Valley, Malaya Daly City, Anakbayan LA, Anakbayan Hayward at Defend Negros NorCal Coalition
Dagdag sa kanila, nakiisa rin ang mga alyadong grupo ng International League of Peoples’ Struggle-USA, International Coalition for Human Rights in the Philippines -USA, at Friends of the Filipino People in Struggle-USA
Noong Hunyo 15, sinimulan ng mahigit 100 manggagawa ng C& H Sugar ang kanilang welga bilang pagkundena sa mga anti-manggagawang plano ng kumpanya. Kabilang dito ang pagtanggal sa benepisyo sa kalusugan ng mga magreretiro, pagbawas sa sick leave at overtime pay, pagtanggal sa sistema ng seniority para sa promosyon at hindi makatarungan na pag-iskedyul ng trabaho tuwing sabado at linggo. Karamihan sa mga manggagawa ay ilang dekada nang nagtatrabaho sa kumpanya, nakaranas ng mga pinsala sa trabaho at tumatanggap ng di-makatarungang sahod. Nakapailalim ang unyon sa International Longshore & Warehouse Union (ILWU) Local 6.
Inilalagay din ng kumpanya ang mga manggagawa sa labis na peligrosong kalagayan sa trabaho, kung saan marami ang nag-uulat ng mga pinsala tulad ng pagkawala ng mga daliri, mga paa o bisig, at mga bali sa buto.
Ang C&H (California & Hawaii) Sugar ay pagmamay-ari ng American Sugar Refining Group,ang pinakamalaking tagaproseso at tagapagbenta ng asukal mula sa tubo (sugar cane) sa buong mundo. Isa ito sa mga korporasyong may monopolyo ng asukal sa US. Kumikita ang kumpanya ng halos $1.6 bilyon mula sa pag-aangkat ng mura na di pa naprosesong asukal, kasama mula sa isla ng Negros.
Ayon sa Defend Negros NorCal, ipinakikita ng mga nangyayari sa Crockett at Negros na handang gumamit ang naghaharing uri, gamit ang estado, ng mapaniil na mga taktika para lalong pagsamantalahan ang mga manggagawa at magsasaka.
Sa piketlayn sa Crockett, inaatake ang C&H ang unyon at isinaisantabi ang welga sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga pampalit na manggagawa, paglipat ng operasyon sa mga bodega na walang unyon, at lantarang karahasan. Kabilang dito ang insidente ang pag-araro ng isang sasakyan sa nakatipon na mga tao sa Crockett noong nakaraang linggo.
Sa Pilipinas, lantad at maigting ang paggamit ng karahasan ng estado laban sa mga manggagawa. Sa nakaraang mga taon, pinaslang ng mga ahente ng estado ang mga lider-manggagawa tulad nina Jude Fernandez at Dandy Miguel. Ngayong taon, naganap ang pagmasaker ng reaksyunaryong militar sa mga manggagawang bukid, magsasaka at sibilyan sa Toboso, Negros.
Ayon sa Anakbayan LA, direktang nakikinabang ang C&H sa karahasan laban sa mga magsasaka sa Negros.
“May tuwirang ugnayan ang marahas na kalagayan at paghihirap ng mga Pilipino sa mga kondisyon sa mga refinery sa Bay Area… Mahalaga na patuloy nating alamin kung saan nagmumula ang ating pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan, at kung anong mga buhay ang isinasakripisyo para patahimikin ang katotohanan,” pahayag ng grupo.
The post Mga Pilipino sa US, nakiisa sa welga ng mga manggagawa ng C&H Sugar Refinery appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

