Tinatayang 3,000 katutubong Aeta mula sa limang barangay ang nagmartsa sa Capas, Tarlac noong Hulyo 14 para batikusin ang pangangamkam sa kanilang lupang ninuno at dinaranas na panggigipit mula sa Philippine Air Force (PAF). Nagmartsa sila mula sa Barangay O’Donnell tungo sa isang tsekpoynt papasok ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB), isang reserbasyong militar, sa Barangay Sta. Juliana. Itinaon nila ang pagkilos sa paggunita ng PAF sa ika-79 anibersaryo nito.

Ang mga komunidad ay pinagbawalan ng 790th Air Base Group ng Philippine Air Force Air Installation and Base Development Command (AIBDC) na magtayo at magkumpuni ng kanilang mga tahanan. Hinigpitan ang kanilang suplay ng tubig at kuryente, pinigilan ang pagpasok ng mga relief goods at tulong mula sa mga organisasyon, simbahan at iba pang pribadong indibidwal, at maging mga materyales para sa paglilibing ng kanilang mga yumao.

Ang mga patakarang ito ng 790th Air Base Group, sa pamumuno Lieutenant Colonel Owen M. Avenido, ay kaugnay ng planong Joint Training Complex sa Crow Valley Military Complex at CERAB para sa mga pasilidad-militar at bilang tuloy-tuloy na lunsaran ng mga war game gaya ng taunang Balikatan war games ng US. Alinsunod sa plano, buo-buong paalisin ang mga mamamayan na sinasaklaw ng kabuuang 18,000 ektaryang lupain ng military complex sa mga barangay ng Sta. Juliana, O’Donnel (Patling), at Sta.Lucia.

Panawagan ng mga katutubo ang pagpapatigil sa pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan at iba pang produktibong lupain para sa pagpapalawak ng reserbasyong militar. Sa protesta, bitbit nila ang mga plakard na may panawagang “Barangay na kami bago pa man ang RA 7227 at PP 163,” “Mga traktor na pangsaka, huwag po sanang pagbawalang pumasok,” at “Proyektong imprastraktura, huwag itayo mula sa pangangamkam.”

Ang Republic Act No. 7227 na kilala rin bilang Bases Conversion and Development Act of 1992 ang nagtayo ng Bases Conversion and Development Authority na itinalaga para sa pagpapalit-gamit at pagbebenta sa mga dating base militar ng US sa bansa. Kaugnay ng batas nilabas ang Presidential Proclamation No. 163 ng nagtatag sa Clark Special Economic Zone. Sinaklaw ng pagpapatupad nito ang mga lupang ninuno sa Tarlac.

Ayon sa mga katutubo, ang mga ipinipilit na proyekto ay ipinatutupad nang walang makabuluhang konsultasyon at nang hindi kinukuha ang kanilang free, prior and informed consent (FPIC) na itinakda ng batas ng estado. Anila, nauna pa sila at kanilang mga ninuno sa mga batas at proklamasyon ng gubyerno na nagpapalayas sa kanila. Sa katunayan, nadatnan ng mga Kastila ang kanilang mga ninuno sa Capas.

Maliban sa pagpapalawak ng reserbasyong militar, matagal nang biktima ang mga katutubo at magsasaka ng pagpapalayas, demolisyon, paninira ng pananim at blokeyo sa ekonomya sa pangunguna ng BCDA para sa New Clark City sa saklaw ng mga bayan ng Capas at Bamban. Patuloy ang BCDA sa konstruksyon ng mga kalsada na sumisira sa mga sakahan, lupang ninuno, at kalikasan.

Inaasahan ng mga Aeta na lalo pang babagsik ang pagpapalayas sa kanila dahil bahagi ng pagpapalawak sa New Clark City ang pagtatayo ng US ng isang economic security zone na may “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura sa balangkas ng inisyatibang Pax Silica. Bukod sa pagmimina ng mga critical minerals at rare earth metals para sa mga semiconductors, mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone.

Noong Hulyo 14, inianunsyo mismo ng US Embassy sa Pilipinas ang pagbisita ni US Ambassador Lee Lipton sa lugar na pagtatayuan ng naturang mga proyekto sa economic security zone. Ang naturang sona ay kanugnog lamang ng Joint Training Complex at bahagi ng mga military at economic hub gaya ng Subic Ammunition Factory at Agila Shipyard, Basa Airbase, Fort Magsaysay Military Reservation, at APECO Defense Hub.

Nagpahayag ng mahigpit na pakikiisa sa mga Aeta at residente ng Tarlac ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Luzon. “Kilalanin ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka, ng mga katutubo para sa kanilang lupang ninuno at sariling pagpapasya, at ng mga residente para sa kanilang karapatan sa paninirahan,” ayon sa grupo.

Hinimok rin nito ang mamamayan ng rehiyon na makiisa sa mga Aeta para labanan ang mga proyektong maglilingkod para sa tubo, gera, at kontrol ng dayuhan. Dapat rin umanong magkaisa para kundenahin ang paggamit sa Central Luzon at sa buong Pilipinas bilang forward operating base ng imperyalismong US na maghahatid ng kapahamakan sa bayan.

The post Libu-libong Aeta sa Tarlac, nagprotesta kontra pangangamkam ng lupa, panggigipit ng PAF appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.